Ni LITO T. MAÑAGO
DUMAYO ang ilang artista, staff and crew sa pangunguna ng bida ng FPJ’s Ang Probinsiyano na si Coco Martin sa DSWD-NCR National Vocational and Rehabilitation Center sa Project 4, katuwang ang Bahay Kalinga sa isinagawang bayanihan para sa pagpapatayo ng bahay sa Escopa Area sa Quezon City.
Kasama ni Coco na nakipagbayanihan sa #FPJAPCharityBuild ang iba pang mga bituin ng Ang Probinsiyano na sina John Prats, John Medina, Michael Roy Jornales, Marc Solis at iba pa. Nagpintura, nagbistay ng buhangin, naghalo ng semento, naghakot sila ng hollow blocks sa mga itinatayong bahay.
Pero hindi lang ang co-stars ang niyaya ni Coco sa site kundi maging ang buong production staff ng Ang Probinsiyano at Ang Panday.
Sabi ni Coco sa Instagram video na kuha ni Katotong Eric John Salut na ipinost kahapon sa social media, “Nakatataba po ng puso dahil kayo po na hindi kumpleto, hindi nakakakita, kayo pa po ang kumikilos para po mabuo ‘yung mga pangarap ng mga kasamahan nating Filipino.
“Kagaya ninyo po ako, lumaki rin po ako sa hirap pero pinilit kong magsumikap para maiahon ko ang pamilya ko. Sana po lahat tayo ganu’n,” wika ng Hari ng Primetime.
Katulad ng mga namayapang action stars na sina Fernando Poe, Jr. at Rudy Fernandez na pawang iniidolo ni Coco, at maging si Robin Padilla, may puso rin ang Kapamilya actor sa maliliit na tao ng industriya at sa mahihirap nating kababayan.
Ang kabutihan ng pusong ito ni Coco ay sinusuklian din ng higit pa sa inaasahang blessings sa kanya.
Sa pelikula man o telebisyon, mabangung-mabago ang kanyang pangalan. Maging sa mundo ng advertising, pinag-aagawan siya at pinagkakatiwalaan.
Hanggang ngayon, tuluy-tuloy ang pagbuhos ng blessings sa multi-awarded actor.
Ang pinagbibidahan niyang series sa ABS-CBN which he did not expect ay more than two years na sa ere at top-rating sa primetime simula sa first day magpahanggang ngayon na mahigit 100 linggo na ito sa ere.
As we all know, in full-swing na ang kanyang directorial debut na Ang Panday na siya rin ang bida at official entry ng kanyang sariling film outfit para sa 43rd Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre.
Mabuhay ka, Coco!