Ni: Erik Espina
MAY kuwento ang aking ina (Pining) na paboritong ulitin sa isang kaganapan noong dekada ‘50. Sa kanyang paglilibot sa malalayong bayan ng Cebu , may mga pagkakataon na kailangan mag-CR. Nakahanap sila ng tahanang malalapitan, at pumayag naman ang tindera na gamitin ang palikuran. Matapos ang tawag ng naturalesa, ugali ng aking nanay na hindi agad umalis. Makikipagkuwentuhan pa, tumutuloy sa kusina at nagtatanong kung ano ang niluluto. Dahil mukhang masarap ang nasa kaldero, nagpaalam siya kung maaari bang tikman ito. Tumanggi ang tindera dahil may pinaglalaanan daw nito.
Nagpasalamat ang aking ina at tumuloy sa pista na siya ang tampok na bisita.
Sa oras ng hapunan inanyayahan ng alkalde ang aking nanay na lumipat sa inihandang hapag-kainan. At doon, muli niyang nakatagpo ang nasabing tindera na nahiyang lumapit dahil ang nanay ko rin pala ang kanyang pinaghandaan. Wika ng tindera – “Siya ‘yung tinanggihan ko kanina”. At nagtawanan ang lahat.
Sa edad na 84, ang aking mahal na ina ay halos 10 araw nang nakaratay sa isang ospital sa Cebu dahil sa maling gamot na ipinainom ng isang kilalang doktora! Ito rin ‘yung doktora, ayon sa kaibigan kong kolumnista mula sa ibang pahayagan, na kung sinunod niya ay patay na siya ngayon.
Stevens-Johnson ang allergy sa buong katawan ng aking ina at ito ay nang dahil sa kapalpakan. Ipinakita namin ang mga larawan ng allergy sa katawan ng aking ina sa mga espesyalista sa Makati at Parañaque. Ayon sa kanila, ang gamot na niriseta ng doktora sa aking ina ay para sa teenager, hindi para sa may edad. Nakialam na kami dahil walong araw ba naman na walang suwerong ikinabit sa aking nanay, at nagdagdag kami ng mga manggagamot.
Pangalawang bangungot pa ay ang mismong pribadong ospital. Ang trato ng nasabing doktora at mga nurse sa aking nanay ay parang wala lang. Normal lahat! Sariling bili ng gamot... dahil kapus o mabagal, walang emergency button sa kama at banyo ng pasyente – tatawag pa sa telepono. Batid ng ospital allergic ang nanay ko sa manok, ‘yun pa ang inihahain sa tanghalian at hapunan. Ang basurahan at kuwarto niya sa ospital ay hindi araw-araw nililinis. May nakausap din akong ilang nagrereklamo na “doble ang billing sa gamot at doktor”, may bayarin na hindi naman ginampanan ng pagamutan” atbp. Ililipat namin ang aking ina. Hambog na patalastas ng ospital– “We lead to Serve”.