Ni CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE
(Editor’s note: Emerging literary form ang ganitong review na invention ng millennials, at mabilis silang nagkakaintindihan. Isa si Cha sa iilan pa lamang na gumagawa nito na laging nagba-viral at umaabot sa mahigit 40,000 ang likes at shares sa social media. Sadya namin siyang isinama sa panonood ng premiere night ng bagong millennial movie para sa review niyang ito, katabi ng sinulat ni Reggee na isa namang Generation X.)
KATULAD ng “30 Thoughts While Watching Kita Kita” at “21 Thoughts While Watching 100 Tula Para Kay Stella,” hindi ito spoiler kundi parang trailer na ipinamalas sa porma ng mga hugot. Maaaring totoong nasa pelikula at maaari ring simbolismo lamang, at malalaman lamang ninyo kung bakit ko naisip ang bawat isa kung panonoorin ninyo ang pelikula.
Ito ang paraan ko upang suportahan ang Love You To The Stars And Back.
#1 Minsan, kailangan munang maging magulo ang lahat para matagpuan mo ang kaayusan – sa piling niya.
#2 Hanap ka nang hanap ng kapanatagan, iyon pala ay madarama mo lamang ito habang hawak ang kamay niya. Kailangan lang pala na dumating siya.
#3 Hindi pala paborito mong pagkain ang palaging dahilan kaya masarap kumain. Minsan, depende sa kasama.
#4 Hindi palaging madaling magsara ng pinto – lalo na kung ang iiwan mo ay ang buong buhay mo.
#5 Nakalalasing ang kirot.
#6 Ganyan lang ang buhay, minsan natatrapik ka; minsan ikaw ang dahilan ng trapiko.
#7 Anumang karamdaman ay hindi hadlang para mabuhay ka – nang totoo.
#8 Yelo lang ang katapat ng pasa sa katawan. E, ang pasa ng puso? Sana yelo na lang din. Gagawin kong negosyo ang pagtitinda nito pero, pangako, mananatiling piso ang halaga nito -- dahil alam ko ang pakiramdam ng isang taong may baldadong puso.
#9 Sa biyahe ng pag-ibig, magsuot ka palagi ng “seatbelt” – para kung mabangga ka man, hindi ganoon kasakit.
#10 May mga taong marami nang pinagdaanan bago pa magkaalaman ng kanya-kanya nilang pangalan. Depende iyan sa pakikisama – o paglalaro – ng pagkakataon.
#11 Ang pag-ibig parang pagkain, minsan kakaiba at nakakatakot subukan pero kailangan mo lang tikman. Kung masarap, magpasalamat ka. Kung hindi, magpasalamat lalo – dahil hindi ka habambuhay na mapapaisip kung ano ang lasa nito, o manghihinayang na hindi mo ito natikman kailanman .
#12 Walang lasa ang pagkain kapag masama ang loob mo. Gaano man kasama ang lasa nito, hindi maaapektuhan nito ang dila mo kapag apektado ng labis na kalungkutan ang puso mo.
#13 Minsan napakatagal ng naging paglalakbay ninyo pero dahil siya ang kasama mo ay para bang napakabilis dumating sa dulo.
#14 May mga bagay na hindi mo na mararanasan ulit kaya huwag mong idepende sa ibang tao ang desisyon mo kung susubukan mo ang mga ito o hindi.
#15 Minsan hinahanap mo ang kaligayahan pero hindi mo alam na matagal na itong nasa iyo – sadyang iba lang ang pagpapakahulugan mo sa salitang “kaligayahan”.
#16 Minsan, kapag akala mo huli na, nagsisimula pa lamang pala.
#17 Marating mo man ang tuktok, makapiling mo man ang mga ulap, kung wala siya, parang hindi ka man lamang umalis sa pinanggalingan.
(P.S. “#18” Ang hirap pala nito panoorin sa premiere night! Ang gagaling umarte nina Julia at Joshua, bigay na bigay ang emosyon, pero hindi ako makaiyak kasi nakaka-haggard; nakakahiya kasi ang gaganda at ang guguwapo ng mga naroon na artista. He-he-he....)