SA kasagsagan ng kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga, nangibabaw ang “One Time Big Time” operation ng pulisya sa Mimaropa (Mindoro Oriental at Occidental, Marinduque, Romblon, at Palawan) dahil sa isang bagay—naisagawa ito nang walang nasawi kahit na isa.
Sa unang bahagi ng buwang ito, 32 hinihinalang tulak at adik sa droga ang napatay sa loob ng isang araw sa Bulacan, sinundan ng 25 pagkamatay sa Maynila, at 24 sa Northern Police District na sumasaklaw sa Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela. Sa Caloocan pinatay umano nang walang kalaban-laban ang 17-anyos na estudyante ng Grade 11 na si Kian Loyd delos Santos, na nagbunsod para mag-imbestiga ang Senado.
Dahil sa pagpatay kay Kian, umani ng reaksiyon ng publiko ang mga patayang matagal nang ipinagkikibit-balikat lamang.
Libu-libong pagkamatay ang tinanggap ng publiko bilang estadistika na kinakailangan sa pagpupursige ng gobyerno na matuldukan ang matinding banta ng droga sa bansa. Sa isang iglap, nagkaroon ng mukha ang libu-libo sa estadistika.
Isang lalaking nasa kaburukan ng kanyang kabataan, na nangarap na maging pulis balang araw, ngunit pinatay sa operasyon ng pulisya na mistulang nakatuon lamang ang atensiyon sa pagdadagdag ng bilang sa mga napapatay na tulak at adik.
Matapos na magsagawa ng kani-kanilang operasyon kontra droga ang Bulacan, Maynila, at Camanava, nagkasa ng sariling operasyon ang Mimaropa nitong Sabado. Sa pagtatapos ng operasyon sa apat na lalawigan ng rehiyon, inihayag ni Chief Supt. Wilben Mayor, police director ng Mimaropa, na 222 ang naaresto sa pagkakasangkot sa droga, kabilang ang isang pulis, habang 16 naman ang dinakip sa ilegal na sugal at lima sa pagpuputol ng troso.
Walang napatay sa mga operasyon ng pulisya sa apat na probinsiya. Iba marahil ang mamamayan ng Mimaropa sa mga nasa Bulacan, Maynila, at Camanava na ayon sa mga pulis ay nanlaban sa pag-aresto kaya nasawi. O marahil determinado ang pulisya sa Mimaropa na isakatuparan ang operasyon batay sa umiiral na proseso ng pulisya, at alinsunod sa batas.
O maaari namang nagkaroon na ng epekto sa atin ang pagkamatay ni Kian delos Santos. Maging si Pangulong Duterte ay iba rin ang naging reaksiyon sa pagkasawi ng isang hinihinalang sangkot sa bentahan ng droga. Lagi niyang tinitiyak sa mga pulis na suportado niya ang mga ito, ngunit sa pagkakataong ito, sinabi niya: “Let me be clear on this. I said I would protect those who are doing their duty… You are not allowed to kill a person who is kneeling down, begging for his life. That is murder.”
Magpapatuloy ang digmaan kontra droga, ayon sa Pangulo. Maaaring magtagal pa ito, aniya, at posibleng hanggang sa matapos ang kanyang termino, dahil lubhang nakakalula ang problema.Maaari ring mangailangan pa ng mas maraming pondo para maisailalim sa rehabilitasyon ang mga biktima ng pagkalulong sa droga ng ating bansa. Ngunit hindi tamang umabot tayo sa punto na lantaran nang binabalewala ng mga pulis ang karapatang pantao at ang umiiral na batas. Kung sisimulan na nating isulong ang katotohanang ito sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga at iba pang krimen, masasabi nating hindi nawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Kian.