Ni: Marivic Awitan

IPINAKILALA ni Senator Manny Pacquiao ang pinakabagong basketball league sa bansa na tatawaging Maharlika Pilipinas Basketball League sa press launch na idinaos kahapon sa Aristrocrat Restaurant sa Malate.

Naghahangad na makatuklas ng mga aspiring talents mula sa grassroots level, ang MPBL ay lilibot sa buong Pilipinas gamit ang home-and-away format.

Nakatakdang magsimula sa Setyembre 23, ang MPBL ay may inisyal na 12 koponan sa kanilang first season at ipapalabas sa television.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nabuo ang konsepto ng MBPL dahil sa idinaos na barangay league ni Pacquiao sa General Santos City.

“Lagi kong sinusuportahan ang basketball. Love nating lahat ang sports. Sa basketball kasi, malaki ka man o maliit, pwede ka maglaro. Binuo natin itong ligang ito para maka-produce ng mga bagong basketball players at upang maengganyo ng mga kabataan sa sports,” sambit ni Pacman.

Sa kasalukuyan, ang mga koponang lalahok sa liga ay ang Bulacan, Pampanga, Batangas, Laguna, at Pangasinan kasama ang Quezon City, Marikina, San Juan, Makati, Paranaque, Manila at Malabon.

“Ito po ang pinaka-ambitious at pinakabagong liga sa Pilipinas. Dito, kasama ang bawat Pilipino. Binuo sa inspirasyo ng ating Senador Manny Pacquiao dahil gusto niyang tulungan ang basketball,” pahayag ni league Commissioner Snow Badua .

Sa first season, magkakaroon ng limang conferences, ang Rajah Cup (Mindanao Nobility), Datu Cup (Visayan Royalty), Lakan Cup (Luzon Aristorcrat), Mumbaki Cup (Ifugao Elder) at Urduja Cup (Pangasinense Princess).