BILANG paggunita sa ika-10 taon ng Bayan Mo, iPatrol Mo (BMPM) ng ABS-CBN na humihimok sa mga Pilipino upang maging simula ng pagbabago, isinagawa nitong nakaraang Lunes ang “BIKE@10,” isang malawakang bike ride event sa Quezon City Memorial Circle na layong lumikom ng pondo para sa benipisyo ng Tahanang Walang Hagdanan. Mahigit sa 400 na riders ang nakilahok sa event.

Lovi copy

Inilunsad ang proyekto kamakailan nina ABS-CBN Integrated News head Ging Reyes at BMPM at News Public Service head Rowena Paraan kasama ang mga partner na eskuwelahan at organisasyon. Dito rin nila ibinalita na umabot na 1 milyon na ang “Bayan Patrollers” sa Facebook at umaabot na sa 1.9 milyon ang kabuuang bilang ng Bayan Patrollers sa buong bansa.

Ayon kay Reyes, bukod sa dumaraming bilang ng citizen journalists ng BMPM, patuloy ring lumalawak ang layunin ng kampanyang sinimulan ng ABS-CBN noong 2007. Aniya, mula sa pagbabantay sa boto, naging malaking tulong rin ang BMPM sa pangangalap ng balita dahil sa mga ipinapadalang mga impormasyon, larawan, at video ng mga Bayan Patrollers ukol sa mga isyu at pangyayari sa kanilang komunidad.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

 At sa ika-10 taon ng BMPM, mas lalo pa itong magiging aktibo sa paghahatid ng serbisyo sa pamilyang Pilipino.

“Ang hangarin namin para sa BMPM ay maging isa sa pangunahing public service arm ng ABS-CBN at malakas na pwersa sa pagpapalaganap ng media at information literacy sa buong Pilipinas,” paliwanag ni Reyes.

Kuwento niya, bukod sa mga ginagawang citizen journalism workshop ng BMPM sa iba’t ibang parte ng bansa, magkakaroon na rin ng mga public service events tulad ng BIKE@10 ang BMPM kung saan direktang magiging parte ng serbisyo at pagbabago ang mga Bayan Patroller.

Sampung kilometro ang tinahak ng mga kalahok sa BIKE@10 mula sa ABS-CBN. Kabilang dito ang mga estudyante ng Miriam College, St. Paul University, Polytechnic University of the Philippines, at STI College, at mga kasapi ng Rotary International District 3810. Kada isa ay magbibigay ng hindi baba sa 10 plastic (PET) na bote na siyang ibebenta upang makabili ng motorsiklong may sidecar para sa mga residente ng Tahanang Walang Hagdanan.

Nagbigay-pugay din si Paraan sa mga Bayan Patroller dahil sa kanilang katapangan, dedikasyon, at malasakit.

“’Yung Bayan Mo, Ipatrol Mo, umabot ng 10 taon hindi dahil sa amin. Dahil ‘yun sa mga Bayan Patrollers. ‘Yung mga citizen journalists na kahit na bumabagyo, nagpapadala sila ng mga video, ng mga picture para makita ng buong bayan ang tunay na kalagayan at pangyayari sa lugar nila,” aniya.

Ibinahagi rin niya ang karanasan sa Mindoro kung saan ikinatuwa niya na matapos magkwento tungkol sa Marawi ay nagtanong agad ang mga estudyanteng Bayan Patroller kung ano ang magagawa nila para makatulong.

Para sa karagdagang impormasyon sa BMPM at BIKE@10, sundan ang @bayanmo sa Twitter at @bayanmoipatrolmo sa Facebook.