KINATATAKUTAN ang sakit na Japanese encephalitis dahil wala pang natutuklasang gamot para rito.
Isa itong vector-borne disease na, tulad ng dengue, malaria, at chikungunya, nakukuha rin sa kagat ng lamok ang Japanese encephalitis.
Ilan sa mga sintomas nito ang pananakit ng ulo, lagnat, pagsusuka, at hirap sa paggalaw.
Bagamat wala pang gamot sa Japanese encephalitis, mayroon namang mga gamot at bakuna para maiwasang dapuan nito.
Kamakailan ay isang batang lalaki ang dinapuan ng Japanese encephalitis sa Sta. Rosa, Laguna.
Agosto 18, 2017 nang ipasok sa ospital sa Biñan City ang batang taga-Barangay Sinalhan sa Sta. Rosa, at hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang paslit sa intensive care unit at wala pa ring malay.
Sa nakalipas na mga buwan, marami na ring kaso ng Japanese encephalitis ang napaulat na naitala sa Pampanga, at apat na katao, kabilang ang isang limang taong gulang na babae, ang nasawi sa sakit.
Kinumpirma naman ni Department of Health Secretary Paulyn Ubial sa isang panayam noong nakaraang linggo na matagal nang nakapagtatala ng mga kaso ng Japanese encephalitis sa Pilipinas.
Payo ng mga doktor na kaagad magpakonsulta sa mga espesyalista kapag nakaramdam o nakitaan ng sintomas ng Japanese encephalitis upang maagapan ang sakit.