Ni Rey Bancod
KUALA LUMPUR – Sa kabila nang kabiguan sa 29th Southeast Asian Games, may pag-asang natatanaw ang Team Philippines sa mga bagong mukha ng Philippine sports.
Kakailanganin lamang na pagtuunan ng pansin para mas mahubog ang talento nina Fil-American Trenten Anthony Beram na sumungkit ng dalawang ginto sa sprint, Aries Toledo na nanopresa sa decathlon, Kaitlin de Guzman na agaw-pansin sa gymnastics at Brennan Wayne Louie sa fencing.
May bukas din ang bansa sa larangan ng judo na binubuo ng limang Fil-Japanese jins, sa pangunguna nina three-time SEAG winner Kiyomi Watanabe at first-timer Mariya Takahashi, gayundin sina Fil-Briton John Nobel Marvin sa boxing, Agatha Wong sa wushu, Dines Dumaan sa pencak silat at John Colin Syquia sa equestrian.
Winalis ng 21-anyos na si Beram, mula sa University of Connecticut, ang 200 at 400 meters, at nadagdagan pa sana ang medalya ng bansa kung hindi nagtamo ng injury at nakasama sa relay team.
Bagito, ngunit may beteranong puso ang 21-anyos na si Toledo para makamit ang 10-event discipline laban kay Asian champion Sutthisak Singkhon ng Thailand. Naghahabol si Toledo sa puntos, hanggang sa pagwagihan ang final event na 1,500 meter run tungo sa tagumpay.
Nagsanay sa US, nakamit ng 18-anyos na si De Gizman ang minimithing ginto sa gymnastics para matularan ang tagumpay ng ina na si Cintamoni dela Cruz, ang pambato ng bansa may dalawang dekada na ang nakalilipas.
Naisalba naman ni Louie, 25, mula sa Los Angeles, California, ang fencing sa pagkabokya sa gintong medalya.
Nakapanalo ng dalawang ginto ang boxing, tampok ang dominanteng panalo ng 24-anyos na si Marvin, na ihahanda ng boxing association para sa Asian Games sa susunod na taon.
Kung may tagumpay, may pait sa kampanya ng Team Philippines, sa pangunguna ng swimming na nabigong makapanalo ng gintong medalya sa nakalipas na limang edisyon ng SEAG.