HINDI naging maginhawa ang unang walong buwan sa puwesto ni United States President Donald Trump. Ang pagtatangka niyang pigilan ang pagpasok sa Amerika ng mamamayan mula sa anim na karamihan ay bansang Muslim ay ilang buwang hinarang ng mga korte.Wala rin siyang natanggap na suporta sa plano niyang magtayo ng pader sa hangganan ng kanyang bansa at ng Mexico. At sa kabila ng mayorya na mula sa kinabibilangan niyang Republican party, hindi inaprubahan ng US Congress ang kanyang health care bill na inaasahan niyang papalit sa Obamacare ng nakalipas na administrasyon.
Nang magkasa ng kilos-protesta ang mga white supremacist, neo-Nazi, at ang Ku Klux Klan sa Charlottesville, Virginia, at inararo ng isang kotse ang mga kontra-demonstrador, na ikinasawi ng isang babae, kaagad na sinisi ni President Trump ang “many sides” sa nangyaring karahasan. Kinabukasan, dahil sa inani niyang matitinding batikos, sinabi niyang tanging mga white supremacist ang may sala sa insidente, ngunit makalipas ang ilang araw ay muli niyang sinisi sa “both sides” ang nangyari. Dahil dito, ilang kilalang negosyante sa kanyang Business Advisory Council ang kaagad na nagsipagbitiw.
Ang mga pangyayaring ito ay sa interes lamang ng mga Amerikano, at nakamasid lamang ang mundo habang nililimi ang mga kaganapan sa pulitika ng Amerika. Gayunman, noong nakaraang linggo ay isang bagong kabanata ang bumulaga, at nagpatindi sa panganib ng kapahamakan na makaaapekto sa buong mundo sakaling mangyari nga. Ang pangambang ito, gaya ng sinabi ng dating Director of National Intelligence (DNI), ay ang pagiging “in a fit of pique” ni Trump at posibleng magpakawala ng mga nukleyar na armas sa North Korea nang hindi kinokonsulta ang Kongreso o ang sinumang opisyal.
Sinabi ni James Clapper, na pitong DNI ni dating President Obama, na may access na ngayon si Trump sa nuclear codes at maaaring sa kanyang sariling pasya ay maglunsad ng pag-atakeng nukleyar sa North Korea, na una na niyang binantaan ng “fire and fury like the world has never seen.” Sinabi ni Clapper na sakaling bigla na lamang magdesisyon si Trump laban kay Kim Jong Un, “there’s actually very little to stop him.”
Isang panukala ang inihain sa US Congress ng isang Democratic senator at isang kongresista na magbabawal sa pangulo na unang maglunsad ng pag-atakeng nukleyar hanggang hindi nagdedeklara ng digmaan ang Kongreso.
Pinaniniwalaang may 14,900 nukleyar na armas sa mundo sa ngayon, karamihan ay pag-aari ng Amerika at Russia. May tatlo pang bansa — ang China, France, at United Kingdom — ang opisyal na kinikilala bilang mga nuclear weapons state ng Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons. At may apat pang bansa na hindi lumagda sa tratado ang pinaniniwalaang nag-iingat ng 340 nuclear weapon — ang Pakistan, India, Israel, at North Korea.
Matagal nang dahilan ng pagkabahala ang mga missile test ng North Korea dahil ipinagmamalaki ni Kim Jong Un na ang mga nukleyar na armas ng kanyang bansa ay maaari nang umabot ngayon sa malaking bahagi ng Amerika, bagamat pawang banta lamang ang mga ito. Umaasa tayong ang kapwa banta ni Trump ni “fire and fury” ay mananatiling sa salita lang din lamang. Inaasahan din nating kaagad na aaksiyunan ng US Congress ang panukalang nag-oobliga ng pahintulot mula sa Kongreso bago magsagawa ng anumang pag-atake gamit ang nukleyar na armas.