Ni: PNA
NAGTIPUN-TIPON ang mga kolektor at mahihilig sa laruan sa “First National Swap Meet: For Collectors, By Collectors” sa SMX Convention Center sa SM Aura Premiere sa Taguig City upang ibahagi ang kani-kanilang interes sa pangongolekta ng mga laruan.
Layunin ng nasabing pagtitipon, na inorganisa ng Philippine Toy Groups Association (PTGA) at Artist Space, na magbigay ng impormasyon at maipaliwanag ang kanilang pananaw sa makabagong mundo ng pangongolekta ng mga laruan at ang sikolohiya sa likod ng ganitong klaseng libangan sa pamamagitan ng mga inilunsad nilang workshops at feature talks.
Ayon sa mga tagapamahala ng pagtitipon, gagamitin ang perang malilikom sa toy auction sa pagbibigay ng mga laruan sa mga bata sa Marawi City upang magbigay-aliw at maibsan ang pagkainip ng mga ito sa gitna ng kaguluhan sa lungsod.
Umaasa si Earl Patrick Manga, pansamantalang tagapagsalita ng PTGA, na makatutulong ang donasyon na mga laruan sa Marawi sa panunumbalik ng sigla ng pag-iisip ng mga bata na nakaranas ng trauma dulot ng patuloy na kaguluhan sa lungsod.
Maglalagay ng mga kahon sa paligid ng nasabing pagtitipon upang makapagbigay ng mga lumang laruan ang mga dadalo at mabigyan ito ng bagong buhay sa tulong ng bagong magmamay-ari nito.
“We all know that Marawi has been stricken with the tragedy of war and the kids have been having problems like war shock, grief and other discomforts. Since we’re all blessed we want to give back and we want to give something back to those kids because toys were really meant for kids,” ani Manga.
“The stress of war and conflict is something that’s really too much for a child to bear,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, ang mga sulat na ipinadadala sa Marawi ay nakatutulong din upang kumonekta at magbigay-saya sa mga puso ng mga tao roon sa pamamagitan ng mga mensahe ng pag-asa na kanilang isinusulat.
“We want the people of Marawi to realize that we are here for them. We want them to fight and not give up. We’re fighting for them so we hope they would fight for themselves,” sabi ni Manga.
Ang First National Swap Meet, na nagsimula nitong Biyernes, ay magbubukas hanggang Linggo, mula 10:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, sa SMX Convention Center ng SM Aura Premiere.