Ni: Ador Saluta
MASAYANG ibinalita ni Myrtle Sarrosa na bukod sa pagganap bilang isa sa mga bampirang kakampi ni Richard Gutierrez sa La Luna Sangre ay may nakalinyang dalawang pelikula sa Regal Films na kanyang gagawin.
Ayaw pang magbigay ng detalye ang dalaga dahil baka raw maudlot.
Pero nang tanungin kung sino ang gusto niyang maging leading man, walang patumpik-tumpik na sumagot ang dalaga.
“Si Atom Araullo,” sabay tawa. “Kasi sobrang fan niya ako. Sabi ko nga kahit mag-ano (cameo) lang ako, okay lang. Kahit makita ko lang siya.”
Tinanong namin si Myrtle sa presson ng kanyang renewal of contract as endorser ng Sisters Napkin and Pantyliner kung bakit si Atom. Saka niya inamin na crush niya ang Umagang Kayganda news anchor.
May mga katangian daw si Atom na wala sa ibang lalaki.
“Kasi sa lalaki, naano ako sa looks niya pati na rin ‘yung intelligence niya, how he is, I think pati yung kanyang pag-smile. Nagkasama na kami sa Umagang Kayganda, at no’ng first time ko siyang ma-meet sobrang natulala ako sa kanya.”
Alam kaya ni Atom na big crush niya ito?
“Alam niya siguro na crush ko siya kasi ‘pag nagkikita kami natutulala lang ako sa kanya. Mabait ‘yun, eh.
Kinakabahan ako ‘pag kaharap ko siya, although siya ang kumakausap sa akin,” kinilig na pagtatapos ng dalaga.