Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at JUN FABON
Iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Medal of Kalasag, ang pinakamataas na parangal sa Order of Lapu-Lapu, sa 129 na sundalo at pulis na nasawi sa pakikipaglaban sa mga terorista sa Marawi City, Lanao del Sur.
Pinangunahan ni Duterte ang pagdiriwang ng National Heroes’ Day na may temang “Taong Bayan: Ang Bagong Bayani ng Bayan”, sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kahapon ng umaga.
Kasama ni Duterte sa pamimigay ng mga medalya sa pamilya ng mga namatay na tropa ng pamahalaan, nasa edad 21 hanggang 33, sina Philippine National Police (PNP) director General Ronald dela Rosa, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Eduardo Año, at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
“Today, we confer the Order of Lapu-Lapu [on] individuals who rendered extraordinary service to our country. Of utmost significance are the fallen heroes of Marawi, of Jolo, Sulu and in other places in the country fighting terrorism and subversion of the New People’s Army and the ISIS-Maute terror groups in Lanao,” sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati.
“I cannot thank them enough for their valuable service to our nation, and we shall forever be in [their] debt,” dugtong niya.
Ang Medal of Kalasag ay iginagawad sa mga namatay habang nag-aalay ng hindi matatawarang kontribusyon sa kampanya o adbokasiya ni Duterte.
Nagsimula ang digmaan sa Marawi noong Mayo 23, 2017, at nagpapatuloy hanggang ngayon.
ESPENIDO SA ILOILO
Kasama ring pinarangalan ng Order of Lapu-Lapu si Chief Insp. Jovie Espinido na ginawaran naman ng Medal of Magalong dahil sa kanyang extraordinary service o kontribusyon sa tagumpay ng kampanya laban sa illegal na droga.
Si Espinido, nanguna sa pagsalakay sa mga Parojinog sa Ozamiz City, ay opisyal ding itinalaga ng Pangulo bilang bagong Chief of Police ng Iloilo City.
NAMELESS HEROES
Sinabi ni Duterte na ang National Heroes’ Day ay hindi lamang para sa mga tulad nina Jose Rizal o Andres Bonifacio, kundi para rin sa bawat indibidwal na nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa.
“So every Filipino who actually done something for our country, must be recognized, living or dead. Every year, we come together every last Monday of August to celebrate the bravery of all Filipino heroes, named or unnamed,” aniya.