Ni: Clemen Bautista

“IPAGTANGGOL mo ang matuwid at huwag alalahanin ang panalo o pagkatalo. Huwag tayong huminto kahit sa dinaraanan natin ay makatatagpo tayo ng sagabal at tinik sa ating landas. Ang mga ito’y maliit na hirap kung ihahambing sa masamang kapalaran ng ating bayan. Magpatuloy kayo sa inyong gawain at hanapin ang kaligayahan at kalayaan ng ating minamahal na bayan.”

Ito ay bahagi ng pilosopiya sa buhay ni Marcelo H. del Pilar na bukas, ika-30 ng Agosto ay gugunitain ang kanyang kaarawan kasabay ng paggunita sa “Battle of Pinaglabanan” sa San Juan City (dating bayan sa Rizal na lungsod na ngayon).

Isang pambansang bayani si Marcelo H.del Pilar. Kinikilalang isang dakilang peryodista, propagandista, abogado at lalong kilala sa kanyang panulat-sagisag na Plaridel. Pangungunahan ng Bulacan ang paggunita sa kaarawan ni Plaridel.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Gagawin sa Marcelo H. del Pilar Shrine, na tinatawag na “Dambana ni Plaridel”, ang pagdiriwang. Ang Dambana ni Plaridel ay idineklara nang isang historical landmark.

Ang pagdiriwang sa kaarawan ni Plaridel ay tatampukan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang bantayog. Lalahukan ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, paaralan, negosyo, kabataan at turismo. May gagawin ding pagdiriwang ang Samahang Plaridel, isang samahan ng mga peryodista at manunulat.

Isinilang si Marcelo H. del Pilar sa Sitio Cupang, San Nicolas (Plaridel, Bulacan na ngayon) noong Agosto 30, 1850.

Mula sa kanyang pagkabata ay ipinakilala na niya ang pagmamahal sa matuwid at pagkakapantay-pantay. Hanggang sa kanyang paglaki ay hindi niya ito nalimutan.

Si Plaridel ay isa sa mga higante sa hanay ng mga bayaning Pilipino at Bulakenyo. Ang pagmamahal niya sa bayan ay nag-ugat sa kulturang taglay ng angkang kanyang kinabibilangan. Tumibay at yumabong ang pagmamahal niya sa bayan noong siya’y nag-aaral. Nag-aral siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at nagtapos nong 1880.

Inilathala rin niya ang “Diariong Tagalog”, ang unang bilingual na pahayagan.

Mula sa isang mayamang angkan si Plaridel ngunit ang puso niya ay nakiramay sa mahihirap. Ipinagtanggol niya ang kanilang mga karapatan maging sa hukuman at pahayagan. Hindi siya kumita ng salapi sa kanyang pagsusulat. Ang sarili niyang salapi ay ginugol niya sa paglalathala ng kanyang mga isinulat hanggang pati ang salaping para sa kanyang pagkain ay naubos.

Sa loob ng anim na taon, simula noong Nobyembre 15, 1889, siya ang naging editor ng “La Solidaridad”. Ang unang editor ng nasabing pahayagan ay si Graciano Lopez Jaena.

Ang kakayahan ni Plaridel sa pagbuo ng komite ang naging pundasyon sa pagkakatatag niya ng Katipunan. Siya ang nangasiwa sa pangangalap ng mga miyembro ng Katipunan sa Maynila sa tulong ng kanyang bayaw na si Deodato Arellano, isa sa mga nagtatag ng kilusan. ... Dumating ang Biyernes Santo, o kamatayan ni Plaridel, noong Hulyo 4, 1896 sa Barcelona, Spain. Bago siya nagkasakit sa baga ay balak na sana niyang bumalik sa Pilipinas. Ang kamatayan ni Plaridel ang kanyang huling kalungkutan—ang mamatay sa ibang bansa na malayo sa kanyang pamilya at mga minamahal sa Pilipinas.

Bago siya namatay ay ganito ang kanyang naging pahayag: “Ipagpatuloy ninyo ang inyong pagsisikap at hanapin ang kaligayayan at kalayaan ng minamahal nating bansa.”

Ang kamatayan ni Plaridel ay naging isang dakila at hindi malilimot na halimbawa para sa ibang propagandistang Pilipino. Naging inspirasyon sa pagtatanggol nang hindi inaalala ang panalo o ang pagkatalo. At sa paglipas ng panahon, ang simulain at pilosopiya sa buhay ni Plaridel ay nagkaroon ng liwanag—ang Kalayaan ng iniibig nating Pilipinas na tinatamasa at pinahahalagahan natin ngayon.