Ni: Bert de Guzman

MUKHANG ang eksperimento ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pagsugpo sa illegal drugs sa pamamagitan ng pagpatay sa mga drug pusher at user sa Davao City, ay hindi uubra sa buong bansa. Batay sa mga report, halos 12,000 na ang naitumba ng mga tauhan ni Gen. Bato at ng riding-in-tandem at vigilantes kaugnay ng giyera sa droga ni Mano Digong.

Sa kabila ng matinding kampanya (Oplan Tokhang, Oplan Double Barrel) laban sa illegal drugs, patuloy ang pamamayagpag ng bawal na droga sa mga kalye, suluk-sulok, lansangan, barung-barong at mga barangay hanggang sa high-end subdivisions sa Metro Manila at mga kabisera ng mga siyudad sa ‘Pinas.

Sumiklab ang galit (outrage) ng sambayanang Pilipino sa pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos, ang 17-anyos na estudyante, na umano’y pinatay ng mga pulis-Caloocan. Dinampot ang bata, at kinaladkad saka paluhod daw na binaril nang malapitan. Nilagyan pa ng baril si Kian sa kaliwang kamay gayong right-handed ang estudyante na nagmakaawa pa raw sa mga gagong pulis ng “Huwag po, may test pa ako bukas.” Ang tatlong pulis-Caloocan na humarap sa pagdinig sa Senado ay sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Inuulit natin: “Walang kontra sa drug war ni PRRD subalit ang ayaw ng mga Pinoy ay ang walang habas na pagbaril at pagpatay sa pinaghihinalaang mga tulak at adik dahil NANLABAN daw.” Inuulit natin: “Papaano pa makapangangatwiran ang biktima na hindi siya nanlaban at walang baril eh, patay na siya? Ayaw ring paniwalaan ang pahayag ng mga magulang at kaanak na ang biktima ay hindi pusher at user at walang baril.

Dinikdik ng Duterte administration si ex-DoJ Sec. Leila de Lima dahil siya ay sangkot umano sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP). Hinayaan daw ni De Lima ang gawaan at bentahan ng droga sa NBP at pinangungulekta pa ng drug money ang drug lords at convicted felons para gamitin sa kanyang senatorial bid noong 2016.

Lumilitaw ngayon na hindi sa NBP nagmumula o ginagawa ang bultu-bultong shabu kundi sa China at iba pang bansa na pinalulusot sa Bureau of Customs dahil sa “tara” o padulas sa mga pinuno at kawani ng ahensiya. Hindi ba noon ay sinasabi na mismong sa NBP niluluto ang droga dahil doon daw ay may drug laboratories? Dakong huli, nagulat ang mga mamamayan nang sumambulat ang balitang may P6.4-bilyong bulto ng shabu ang nakapuslit sa green o express lane ng BoC dahil sa tara.

Buwan ng Wika ngayon. Sinulat ni Balagtas ang katotohanan tungkol sa pag-ibig, na ito ay makapangyarihan at susuway sa ano mang balakid masunod lang. Ganito rin ang akda ni Shakespeare tungkol sa pag-ibig nina Romeo and Juliet.

Gayunman, may babala si Shakespeare hinggil sa bagsik at lason ng pag-ibig, lalo na sa nagagalit na babae. ... Ganito ang nangyari kay Comelec Chairman Andres Bautista at ginang na si Patricia na sumailalim sa kapangyarihan ng pag-ibig noon. Sila ay nag-ibigan, nagpakasal at nagkaanak. Subalit sa paglipas ng panahon, ang pagsasama ay umasim nang dahil daw sa hibo ng SALAPI. Ayon sa mga balita, nanghihingi si Patricia kay Bautista ng mahigit sa P600 milyon bilang settlement sa kanilang paghihiwalay. Hindi pumayag si Mang Andres dahil wala raw siyang ganoong kalaking pera.

Dahil sa pagtanggi ni Chairman Andy, ibinulgar ng kanyang ginang na siya ay may P1 bilyong hidden wealth, at hindi isinama ang iba niyang yaman at ari-arian sa kanyang SALN. Ngayon, nahaharap sa impeachment complaint si Mang Andres courtesy ng kanyang asawa na minsan ay kanyang minahal. “Oh, pag-ibig na makapangyarihan....” Oh, galit ng isang babae ay pakaiwasan.

Sa ngalan ng PAG-IBIG maraming lumigaya ngunit sa ngalan ng pag-ibig, marami ring nagdusa!