Ni: Ric Valmonte
INIHATID noong Sabado ang mga labi ng 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos sa huling hantungan sa La Loma Cemetery. Siya ang isa sa mga napatay kamakailan sa “One Time, Big Time” operation ng mga pulis sa pagpapairal ng war on drugs ni Pangulong Duterte. Isa raw si Kian na sangkot sa ilegal na droga batay sa impormasyong nakuha ng mga pulis sa social media pagkatapos na siya ay mapatay. Narinig ang binatilyo ng mga nakasaksi sa pagpatay na nagmamakaawang tigilan na ang pagmamaltrato sa kanya ng mga pulis at hayaan na siyang makauwi para siya ay makapag-review para sa examination kinabukasan. Narinig siyang sinasabihan ang nagto-torture sa kanya ng: “Tama na po. Tama na po.”
Hindi alintana ang ulan, dumagsa ang mga nakipaglibing mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Nagmartsa sila habang nananawagan hindi lamang para sa katarungan sa pagkamatay ng bata kundi, higit sa lahat, para tigilan na ang pagpatay.
Simula pa lang ng pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo ay nakatakda na itong mabigo sa kanyang layunin. Kasi, nais ng Pangulo na maging tahimik ang pamayanan at ligtas sa panganib ang mamamayan dulot ng mga krimeng ang gumagawa ay mga lango sa droga. Ang problema, ginawa niyang larangan ng digmaan ang buong bansa. Batas ng lakas at hindi lakas ng batas ang naging pamamaraan niya. Sa parehong script na nanlaban sa mga pulis ang mga hinuhuli nilang mga sangkot sa droga, walang araw na nagdaan na walang napapatay.
Ganito rin ang script na nais ng mga pulis na pumatay kay Kian na paniwalaan ng taumbayan. Sinalubong daw sila ng putok nang hinabol nila si Kian, kaya ginantihan din nila ito ng putok.
Sa nakabulagtang katawan ng bata, mayroong .45 na baril na nasa kanyang tabi. Pero sa closed circuit television camera (CCTV) footage na lumabas pagkatapos siyang mapatay, nakita siyang hila-hila ng dalawang nakasibilyan na pulis bago siya nabaril sa madilim na eskinita.
“Digital karma” ang tawag ni Luzviminda Siapo sa CCTV footage na sa huli, aniya, ay hindi nalusutan ng mga killer. Si Siapo, tulad ng ina ni Kian na si Lorenza, ay domestic helper sa ibang bansa at nawalan siya ng malay-tao nang...
dumating sa airport dahil hindi na niya mainda ang sama ng loob dahil sa sinapit ng kanyang anak na si Raymart.
“Pinatunayan ng CCTV footage sa insidente sa Caloocan, “wika niya, “na hindi lumalaban ang mga tao taliwas sa sinasabi ng mga pulis na dahilan na kaya sila napapatay sa anti-drug operations.”
Ang talagang lumalaban aniya, ay mga drug lord, big-time dealers, at iyong masalapi at may abogado, pero hindi sila ginagalaw ng pulis. Ang tanong niya: “Bakit lagi nilang hinahabol ang mga dukha?”
Ang katanungang ito ni Siapo ay isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi magtatagumpay ang war on drugs ng Pangulo.
Salat ito sa sinseridad. Maliban sa iilan, lahat na napatay ay mga dukha. Walang napatay sa mga nagpapasok ng bultu-bultong shabu sa bansa sa pamamagitan ng ahensiya ng gobyerno tulad ng Bureau of Customs.
Ang pagdagsa ng mga tao sa lamay at libing ni Kian ay himagsikan ng mamamayan para sa kanilang kalayaan laban sa takot at panganib.