Ni: Bella Gamotea
Posibleng pinahirapan muna bago ginilitan at halos maputol ang ulo ng isang lalaki, na itinapon sa isang basurahan sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ng Paranaque City Police ang biktima na nasa 30-35 anyos,may taas na 5’4”, nakasuot ng gray T-shirt, pantalon, at may tattoo sa kaliwang braso.
Isang concerned citizen ang napadaan at nakadiskubre sa bangkay ng lalaki na nakahalo sa tambak ng basura sa Ninoy Aquino Highway sa Barangay San Dionisio, dakong 12:45 ng umaga.
Sa pahayag naman sa awtoridad ng isang lalaking nangangalakal ng basura malapit sa kinatagpuan sa biktima, isang kotse ang napansin niyang saglit na tumigil, umatras, na sinundan ng malakas na lagabog sa lugar.
Dahil abala siya sa pagkuha ng maibebentang basura, hindi na lamang pinansin ng scavenger ang lagabog sa pag-aakalang basura lamang ang itinapon sa lugar.