Ni: Alexandria Dennise San Juan

Ilalabas na ng Land Transportation Office (LTO) ngayong Martes ang unang batch ng may limang-taong validity na license card ng mga driver, na makukuha na sa LTO Central Office sa Quezon City.

Aabot sa tatlong milyong driver na nag-apply at kumuha uli ng bagong lisensiya mula pa noong Oktubre 2016 ang makatatanggap na ng kanilang mga identification card na mayroong limang taong bisa, simula ngayong araw.

Una nang pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 1093 na naggagarantiya sa mas mahabang bisa ng lisensiya ng mga driver at konduktor mula sa tatlong taon hanggang sa limang taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa panayam ng Balita kay Transportation Secretary Arthur Tugade nitong Hunyo, sinabi niyang ginawang matibay ang mga naturang lisensiya dahil yari ito sa polycarbonate plastic at may mas pinahusay na seguridad.

Ibinahagi rin niya na nabigyan ang kagawaran ng P830,000,000 milyon noong Abril upang makabili ng mga license card na sasakop sa anim na milyong ID card.

Gayunman, inatasan pa rin ang LTO na maging mas istrikto sa paglalabas ng lisensiya, upang masiguro na maibibigay lamang ang mga ito sa mahuhusay na aplikante na may sapat na kaalaman sa ligtas at wastong pag-uugali sa kalsada.