Ni: Liezle Basa Iñigo
Dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay matapos makaengkuwentro ang Alpha Company ng 86th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Sitio Lumalog, Barangay Cadsalan sa San Mariano, Isabela bandang 4:30 ng umaga kahapon.
Ayon sa balitang tinanggap kahapon ng Balita, nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng pamahalaan sa nasabing lugar nang magkaroon ng engkuwentro na tumagal ng limang minuto.
Sinabi ni Lt. Col. Jose Vladimir Cagara, commanding officer ng 86th Infantry Battalion, na nasamsam ng mga tropa ng gobyerno ang isang shotgun at isang .22 caliber rifle, gayundin ang mga basyo ng bala sa lugar ng bakbakan.
Wala namang nasawi o nasugatan sa panig ng pamahalaan.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Army na may mga armado sa nasabing lugar at karatig na barangay na nangingikil umano ng mga pagkain at pera sa mga maralita.
Batay sa report, naglalakad ang tropa ng pamahalaan nang bigla umanong pinaputukan ng NPA, kaya nauwi sa sagupaan ang insidente.
Matatandaang Mayo 7 ngayong taon nang pinagbabaril ng umano’y NPA ang detachment ng militar sa Bgy. Tappa sa San Mariano, Isabela, kasunod ang isang kampo ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Maddela, Quirino.
Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing rebelde.