Ni RESTITUTO A. CAYUBIT

SULAT, Eastern Samar – Katarungan ang iginigiit ng ina ng isa sa 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) para sa kanyang anak at sa iba pang police commando na nasawi sa pumalpak na Mamasapano raid sa Maguindanao noong Enero 25, 2015, na layuning arestuhin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan”.

Sa isang panayam, sinabi ni Telly Rebamonte Sumbilla, 65, kagawad ng Barangay Tabi, sa Sulat, Eastern Samar at ina ni PO3 Jonh Loyd R. Sumbilla, na nananawagan siya ng hustisya para sa kanyang anak at sa iba pa sa SAF 44.

Aniya, ginugunita ang kabayanihan ng mga Pilipino tuwing National Heroes Day, ngayong Agosto 28, subalit walang aniyang silbi ang pagpapakabayani, pagbubuwis ng buhay, at mga sakripisyo ng SAF 44 hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang pamamaslang sa mga ito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi niyang dapat na muling imbestigahan ang operasyon ng SAF sa Mamasapano, at papanagutin ang mga opisyal na responsable sa insidente upang mabigyang hustisya ang 44 na police commando.

Naging emosyonal sa gitna ng panayam, sinisisi ni Telly si dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa nangyari, dahil inabandona, aniya, ng dating Presidente ang SAF 44 na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.

“Inabandona sila ni PNoy, at sobrang galit talaga ako,” ani Telly.

Sinabi niyang labis niyang ikinagagalit ang pambababoy ng mga suspek sa katawan ng kanyang anak. “’Di na kumpleto ang katawan niya nang iuwi siya. Wala siyang mga mata, at pinutol pa ang braso,” himutok ni Telly.

Dahil sa kawalang hustisya para sa SAF 44, hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik si Telly. Aniya, hindi niya matanggap na walang mananagot sa pagkamatay ng kanyang anak at ng 43 pang police commando.

“Kung walang hustisya, walang kuwenta ang pagkamatay at mga sakripisyo nila (SAF 44),” sabi pa ni Telly.

Aniya, naghain na sila ng kaso sa Office of the Ombudsman noong Hulyo 1, 2016 laban kina dating Pangulong Aquino, dating PNP chief Gen. Alan Purisima, at dating SAF Director Getulio Napeñas.