Philippine men's poomsae team

Muling tinanghal na kampeon ang Philippine men’s poomsae team matapos magwagi sa pagbubukas ng 29th Southeast Asian Games taekwondo competition sa Kuala Lumpur Convention Center sa Malaysia noong Sabado.

Nagpakita ng halos perpektong execution ng kanilang routine ang trio nina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes, Jr. upang makakuha ng kabuuang 8.40 puntos at magapi ang lima pang koponang kanilang nakatunggali at ipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa event mula pa noong 2013 Myanmar SEA Games.

Tumapos namang pangalawa sa kanila ang kinatawan ng host Malaysia habang pumangatlo ang Indonesia.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Sa women’s division, tumapos namang pangatlo ang mga Filipina na sina Jocel Lyn Ninobla, Rinna Babanto at Juvenile Faye Crisostomo matapos makakuha ng 8.27 puntos para sa bronze.

Nagwagi din si Reyes ng bronze medal sa men’s individual event.

Sina Raphael at Dustin Mella ay kapwa miyembro ng koponang nagwagi ng gold medals noong nakaraang 2013 at 2015 SEA Games habang ngayong taon lamang nila nakasama si Reyes.

“All the hard work and sacrifices paid off. Lahat ng mga hirap naming sa training was worth it,” anang 22-anyos na si Dustin,isang mag-aaral na kumukuha ng kursong Business Economics sa University of the Philippines-Diliman.

“We trained almost half day daily plus yung workouts pa. Binigay lang naming ang best namin para sa bansa at naging patas naman ang mga judges,” ayon naman kay Raphael. - Marivic Awitan