Ni: Light A. Nolasco

JAEN, Nueva Ecija - Bahagi ng P2.3-milyon calamity fund ng bayang ito ang ilalaan sa maliliit na poultry at quail raisers na naapektuhan ng Avian influenza (AI) outbreak na tumama sa isang alagaan ng pugo sa Barangay Imbunia sa Jaen, Nueva Ecija, kamakailan.

Ayon kay Sangguniang Bayan Member Sylvester Austria, pagtitibayin nila ang isang rehabilitation plan na paggagamitan ng pondo.

Nilinaw naman ni Jaen Mayor Sylvia Austria na ito ay karagdagan sa inilaan ni Gov. Czarina Cherry Domingo Umali na P10,000 tulong sa may alagang 700 ibon pababa.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Iniulat pa ni Austria na ipinasemento na ang pinaglibingan sa may 100,167 pugo sa likuran ng barangay hall sa Imbunia.

Sinabi naman ni Dr. Abraham Pascua, tagapagsalita ng Task Force AI ng Nueva Ecija, na may poultry raisers sa loob ng 17 barangay quarantine zone ang boluntaryong kinakatay ang kanilang mga alaga.

Pagkakalooban ng ayuda ang mga bayan ng Jaen, San Isidro, Sta. Rosa, San Antonio, at Cabiao.