SADYANG matindi ang mga paghamon sa ating bansa sa ngayon, sa harap ng pagbabalita ng mga pahayagan tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na bilyun-bilyong pisong ari-arian ng matataas na opisyal, sa sinasabing malawakang kurapsiyon sa mga operasyon ng isang kawanihan ng gobyerno, at sa sunud-sunod na pagpatay ng mga pulis sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.
Inihain ang reklamong impeachment laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos siyang akusahan ng sarili niyang maybahay ng pagkakaroon ng mga pera sa bangko at mga ari-arian na aabot sa P1 bilyon. Nakialam na rin ang Department of Justice at inatasan ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na busisiin ang mga naging pasya ni Bautista noong ito pa ang chairman ng PCGG.
Sa Bureau of Customs, pinalitan ni Pangulong Duterte si Commissioner Nicanor Faeldon matapos na makumpirmang nakalusot sa pag-iinspeksiyon ng kawanihan ang P6 bilyon halaga ng shabu nang madiskubre ang kontrabando sa isang pagsalakay sa Valenzuela City. Naglahad ng privilege speech si Sen. Panfilo Lacson sa Senado, binanggit ang mga pangalan ng napakaraming opisyal, broker, at fixer na umano’y sangkot sa pangongolekta at pagbibigay ng suhol na perang “tara”. Kaagad na rumesbak si Faeldon sa senador at inakusahan ang anak nito na sangkot umano sa pagpupuslit ng semento sa bansa.
Ngunit ang balitang higit na nakaapekto sa publiko ay ang pagpatay ng mga pulis-Caloocan sa 17-anyos na estudyante ng Grade 11 na si Kian Loyd delos Santos sa isang anti-drug operation. Batay sa inisyal na imbestigasyon, binaril siya sa paraang gaya ng summary killing dahil malapitan umano siyang binaril sa gilid ng ulo, taliwas sa depensa ng mga pulis na una silang pinaputukan ng baril ng binatilyo kaya binaril din nila ito. Nakuhanan pa ng CCTV camera ang pagkaladkad ng mga pulis sa binatilyo habang gulat na nakatingin ang ilang miron.
Sa gitna ng lahat ng mga negatibong pangyayaring ito, may naglabasan pang ulat na ilan mula sa sektor ng militar at pulisya ang umano’y nagbabalak na magsagawa ng pagkilos laban kay Pangulong Duterte at sa kanyang administrasyon, kaya naman hinamon sila ng Presidente na ituloy ang pag-aaklas laban sa kanya. Kaagad namang pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines ang nasabing balita. Nangako itong pipigilan ang anumang puwersa na maghahangad na manggulo sa bansa sa mga paraang labag sa batas.
Tunay na matindi ang hamon na kinahaharap ng ating bansa sa ngayon, subalit kumpiyansa tayong makakayanan nating lahat ito, at may matututuhan sa bawat pagsubok. Kumikilos na ngayon ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang maresolba ang usapin sa Comelec, sa Bureau of Customs, at sa mga operasyon ng Philippine National Police kontra droga. Mahalagang ibigay natin sa kanila ang ating buong suporta.