Ni REY BANCOD
KUALA LUMPUR – Kumpiyansa si pool legend Efren “Bata” Reyes na mananatiling dominante sina Chezka Centeno at Rubilen Amit sa mga susunod pang international meet matapos ang impresibong kampanya sa 29th Southeast Asian Games.
“Malayong malayo ang mga kalaban,” pahayag ni Reyes.
“Makikita mo naman sa galaw. Wala, eh. Wala akong nakikitang bagong player na puwedeng lumaban kina Chezka at Rubilen,” sambit ni Reyes, sumabak sa English Billiards, even na lubhang estranghero sa Pinoy.
“Ako, nagsimula eight years old, 12 nakikipaglaban na ako,” aniya.
Naungusan ni Centeno, 18, ang kababayan at beteranong 36-anyos two-time world champion na si Amit, 7-6, sa all-Pinoy finals sa 9-ball.
“Napasigaw nga ako dahil wala talaga scratch yung tira. Disgrasya talaga,” pajayag ni Amit, 0-2 kay Centeno sa head-to-head final.
Kahanga-hanga ang kampanya nina Centeno at Amit.
Laban kay Angelina Ticoalu ng Indonesia, naitala ni Centeno ang 7-4 panalo.
Si Ticoalu ang tumalo kay Amit sa 2013 final sa Naypyidaw, Myanmar – tanging pagkakataon na nakawala sa Philippines ang gold medal mula noong 2005.
Sa semifinals, dinurog ni Centeno si Klaudia Djalie ng Malaysia, 7-2, gabang nanaig si Amit kina Silviana Lu ng Singapore, 7-3, at Suhana Dewi Sabtu, 7-1.
Magaan naman ang laban para kay World Games champion Carlo Biado kontra Durong Quoc Hoang ng Vietnam, 7-5. Naidepensa ni Biado, ranked ninth sa world, ang titulo na napagwagian ni Dennis Orcollo sa 2015 Singapore.
Nakapaguwi ang Filipino cue artists ng dalawang ginto, isang silver at dalawang bronze medal.