Patuloy sa pagsasanay si WBO No. 4 ranked Genesis Servania sa Kanazawa, Japan para sa kanyang nakatakdang paghamon kay WBO featherweight champion Oscar Valdez ng Mexico sa Setyembre 22 sa Convention Center sa Tucson, Arizona sa United States.

Dating boksingero ng ALA Boxing Gym sa Cebu City ang tubong Bacolod City na si Servania bago lumipat sa Japan para magkaroon ng pagkakataon sa mailap na world title bout na kaagad naibigay ng kanyang bagong manedyer pagkaraan lamang ng tatlong laban.

May perpektong rekord na 29 panalo, 12 sa pamamagitan ng knockouts, umaasa si Servania na magiging ikaapat na kampeong pandaigdig ng Pilipinas kasunod nina IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas at ang mga dati niyang ka-stable na sina IBF flyweight ruler Donnie Nietes at IBF light flyweight titlist Milan Melindo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Handa akong makipagsabayan kay Valdez, hindi ako natatakot sa kanya,” sabi ni Servania sa Balita. “Gagawin ko ang lahat para mabigyan ng karangalan ang Pilipinas”

May perpektong rekord din si Valdez na 22 panalo,19 sa pamamagitan ng knockouts ngunit ngayon lang siya haharap sa katulad ni Servania na mas beterano at tumalo sa mga katulad nina dating world champions Alexander Muñoz ng Venezuela, Rafael Concepcion ng Panama at two-time world title challenger Genaro Garcia ng Mexico. - Gilbert Espeña