KUALA LUMPUR – Napantayan ng Philippines athletics team ang kanilang naging gold medal output noong nakaraang Southeast Asian Games sa Singapore sa pagtatapos ng athletics competition ng 29th Southeast Asian Games noong Sabado.
Nagtala ng sorpresa sina Fil-American Trenten Anthony Beram na nagwagi ng gold medals sa 200 at 400 meters at decathlon winner Aries Toledo para sa koponan na dumanas rin ng ilang di-inaasahang pagkabigo.
Sa kabuuan ay nagwagi ang athletics team ng 5 golds, 3 silvers at 10 bronzes.
Ang 21-anyos na si Beram,produkto ng University of Connecticut ang naging unang Filipino na nagwagi ng gold medal sa 200 meters sa biennial Games kung saan itinala niya ang national record na 20.84 seconds.
Siya rin ang nag-iisang double gold medal winner sa delegayon matapos muling magwagi ng gold sa 400 meters sa tiyempong 46.39 seconds.
Bagamat hindi sapat ang kanyang oras para magawgi ng medalya sa Asian Games, may panahon pa si Beram para maging isa sa mga pinakmahusay na runner ng bansa.
“He’s the future,” ani Eric Cray na nabigong makadalawang gold medal dahil sa pagiging magkadikit ng schedule ng kanyang mga events.
Napanatili ni Cray ang gold sa men’s 400-meter hurdles sa tiyempong 50.03 seconds, ngunit bigo naman syang maidipensa ang gold medal sa century dash na isang oras lamng ang pagitan matapos ang kanyang naunang event.
Tumapos lamang na pangalawa ang 28-anyo na sprinter sa 100 meters sa oras na 10.43 seconds kasunod ng Malaysian na si Khairul Hafiz Jantan na naorasan ng 10.38 seconds.
Nagwagi din ng bronze sina Beram at Cray kasama sina Anfernee Lopena at Archand Christian Bagsit sa men’s 4 x 100-meter relay kasunod ng Vietnam at Malaysia sa kabila ng kanilang naitalang bagong national record na 39.11 seconds.
Hindi na nakatakbo pa ang dalawa sa 4 x 400 meter relay dahil may punit na ang kaliwang thigh mucle ni Beram habang may iniindang injury si Cray sa kanyang paa na kinumpirma ni Dr. Ferdinand Brawner, ang head ng Philippine medical team.
Pumangatlo din ang Pilipinas sa nasabing relay event sa pamamagitan nina Edgardo Alejan Jr. , Michael Carlo del Prado, Bagsit at Toledo sa tiyempong 3:08.42 kasunod ng Thailand (3:07.25) at Vietnam (3:07.40).
Nagsilbi namang isang malaking rebelasyon ang bagitong si Toledo nang gulatin ng 27-anyos na dating sprinter ang Asian champion na si Suttisak Singkon ng Thailand sa decathlon makaraang kumolekta ng kabuuang 6,894 puntos para sa gold kumpara sa 6678 ng Thai decathlete.
Nanggaling naman ang isa pang gold medal kay marathoner Mary Joy Tabal na nagbunga ang ginawang pagsasanay sa abroad.
Nakapag-ambag naman ng silvers sina Marco Vilog at Mark Harry Diones matapos kapusin sa men’s 800 meters at men’s high jump ayon sa pagkakasunod.
Nagsipagwagi naman ng bronze medals sina Evalyn Palabrica sa women’s javelin throw; Mervin Guarte sa 1,500 meters; Arniel Ferrera sa men’s hammer throw; ang women’s 4 x 100-meter team nina Zion Rose Nelson, Kayla Richardson, Kyla Richardson at Eloiza Luzon, Marestella Torres-Sunang sa women’s long jump; at Melvin Calano ng Jose Rizal University sa NCAA sa men’s javelin throw. - Rey Bancod