Ni: Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, inanunsiyo noong nakaraang linggo ng Department of Education (DepEd) na sisimulan na nito ang random drug testing sa mga mag-aaral sa lahat ng pampubliko at pribado. Ayon sa DepEd, para ito sa proteksiyon at kaligtasan ng mga estudyante. Ito rin ang ambag ng DepEd sa pagpapaigting ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga. Sa inilabas na DepEd Order No. 40, isang komite ang bubuuin upang isagawa ang random drug testing sa mga mapipiling paaralan. Sasailalim naman sa isang orientation tungkol sa drug testing ang mga mapipiling estudyante.

Kapag nagpositibo ang isang mag-aaral, kakausapin siya ng pamunuan ng paaralan. Makikipag-ugnayan naman ang paaralan sa mga magulang at isasangguni ang estudyante sa isang doktor na accredited ng Department of Health (DoH). Muling sasailalim ang estudyante sa panibagong drug test upang malaman ang nibel ng kanyang paggamit ng ilegal na droga.

Pangako ng DepEd, hindi makikilala ang mga mag-aaral na lalahok sa random drug testing at hindi malalaman ng ibang tao ang resulta nito; titiyaking confidential ang lahat. Dagdag pa rito, kung magpositibo ang isang mag-aaral sa droga, hindi siya maaaring suspindehin, ngunit kinakailangan niyang sumailalim sa rehabilitation program.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung random ang drug testing sa high school, mandatory naman ito sa mga nasa kolehiyo. Naglabas kamakailan ang Commission on Higher Education ( ChEd) ng isang memorandum na nag-aatas sa mga pamantasang magsagawa ng mandatory drug testing sa kanilang mga mag-aaral at sa mga aplikante. Gaya ng gagawin ng DepEd, confidential din ang impormasyong lalabas sa mandatory drug testing, ngunit pinahihintulutan ng ChEd ang mga unibersidad na huwag tanggapin ang mga aplikanteng positibong gumagamit ng bawal na gamot.

Ngunit may mga nagdududa kung matitiyak talagang maitatago ang pagkakakilanlan ng mga mag-aaral na magiging kalahok sa drug test, lalo na ng mga nagpositibo. Paano matitiyak na hindi lalabas ang resulta ng drug test sa publiko? May ilang grupo nang nagpahayag ng pagtutol sa hakbang na ito ng DepEd at ng ChEd. Para sa Human Rights Watch, mistulang bibigyang-pahintulot ng isang kolehiyo ang lokal na pamahalaan at kapulisan na magsagawa ng anti-drug operation sa mga paaralan at hindi malayong mala-Oplan Tokhang ang mangyari. Nag-aalala rin itong mas malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga estudyante. Ganito rin ang posisyong ipinahayag ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). Dagdag pa ng grupo, hindi tamang maging instrumento ang mga paaralan ng pagtatatak sa mga kabataan, lalo na kung may kinalaman sa paggamit ng droga.

Ang mga institusyong humuhubog sa isip at boses ng ating mga kabataan, ang mga paaralan at pamantasan, at kinikilala ito ng Santa Iglesia. Sa Gravissimum Educationis, sinabi ni Pope Paul VI na layunin ng edukasyon na hubugin ang pagkatao ng mga kabataan tungo sa kanilang paglago bilang mga indibiduwal at tungo sa kapakanan ng lipunang kanilang kinabibilangan. Sa ganitong paraan, magagampanan nila nang mabuti ang kanilang obligasyon lalo na sa kanilang pagtanda. May natatanging halaga ang mga paaralan, hindi lamang sa pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan, kundi pati sa paghubog ng kanilang kakayahang kumilatis at magpasya nang tama, sa pagsasalin ng pamanang kultura ng mga naunang henerasyon, sa paglilinaw sa kanilang mga pinahahalagahan o values, at sa paghahanda sa kanila sa kinabukasan.

Kaya maaari nating tanungin: Paano makahuhubog sa pagkatao at pagkamamamayan ng ating mga kabataan ang drug testing sa high school at kolehiyo? Hindi kaya nito mailagay sa alanganin ang kanilang kapakanan at takot lamang ang maidulot sa kanila? Marahil, mas mainam kung pagtutuunan ng pansin ang malawakan at tuluy-tuloy na edukasyon tungkol sa masasamang dulot ng droga. Nagsisimula ang pagiging “drug-free” ng mga paaralan sa pagbura sa anumang sitwasyong nagtutulak sa mga estudyanteng gumamit ng droga.

Sumainyo ang katotohanan.