Ni Vanne Elaine P. Terrazola

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na pinag-iisipan nilang rebyuhin ang naunang report ng Senado na iwinawaksi na ang mga pagpatay sa kampanya laban sa illegal drugs ay state-sponsored.

Sinabi kahapon ni Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na maaari nilang suriin at baguhin ang findings ng joint committee na nag-imbestiga sa sinasabing pagsasagawa ng extra-judicial killings (EJKs) kaugnay ng war on drugs ng Duterte administration noong nakaraang Oktubre.

May kinalaman ito sa imbestigasyon na isinagawa ng kanyang komite sa pagkamatay ng mahigit 70 drug suspect sa police operations nitong Agosto 15-18, kabilang ang 17-anyos na si Kian delos Santos, na ayon sa pulisya ay drug courier sa Caloocan City.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Si Lacson ay isa sa 11 senador na pumirma sa report na inihanda ng kanyang komite, kasama ang Senate and human rights panel na pinamumunuan naman ni Sen. Richard Gordon, na nagsasaad na “there was no proof that there is state-sponsored policy to commit killings to eradicate illegal drugs in the country.”

Sinabi niya na ang findings ay hindi pa adopted sa Senado dahil sinuspinde ang interpellations dahil sa pag-aalinlangan ng ilang senador sa joint committee report.

Bagamat binigyang-diin niya na kinakailangan pa niyang dinggin ang iba pang mga kaso sa mga operasyon ng pulisya at hindi pa rin natatapos ang kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian.

“Aalamin natin kung mapapalitan ba… Pero hindi pa natatalakay ‘yung maramihang pagpatay, so wala pa tayo du’n,” aniya sa interview ng DWIZ.

Samantala, hinahanapan pa nila ng schedule ang pagpapatuloy ng Senate inquiry at ang executive session para sa tatlong testigo sa pagpatay sa teenager, na nasa pangangalaga ni Sen. Risa Hontiveros.