PINANGUNAHAN ni Pope Francis ang pananalangin upang matuldukan na ang “inhuman violence of terrorism” makaraan ang limang araw ng karahasan na pumatay sa nasa 34 na katao sa Burkina Faso, Spain, at Finland noong nakaraang linggo.
Pumasok ang mga armadong lalaki sa isang restaurant sa Quagadougou, kabisera ng Burkina Faso sa West Africa, nitong Agosto 14, at pinaulanan ng bala ang mga kustomer, na ikinasawi ng 18 katao, kabilang ang siyam na dayuhan. Walang grupo ang umako sa krimen, ngunit ilang taon nang nanggugulat ang mga pag-atake ng mga militanteng Islam.
Higit na napagtuunan ng atensiyon ng mundo ang maramihang pagpatay sa Barcelona, Spain, nitong Agosto 17. Sinalpok ng van ang maraming tao sa sikat na pasyalan ng Las Ramblas sa hilaga-silangang siyudad ng Spain, at 14 ang namatay.
Makalipas ang ilang oras, may ikalawang pag-atake pa sa bayan ng Cambrils, may 130 kilometrp patimog, at isang babae ang nasawi. Sinabi ng pulisya ng Spain na isang grupo ng mga teroristang may 12 miyembro at nauugnay sa Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) ang nasa likod ng magkasunod na pag-atake.
At nitong Agosto 18, nanaksak ng mga tao ang isang Moroccan asylum seeker at lima niyang kasamahan at dalawang katao ang napatay habang walo naman ang nasugatan sa Turku, Finland.
Labis na ikinalungkot ni Pope Francis ang mga pamamaslang na pinaniniwalaang may kinalaman sa relihiyon. Isang kalapastanganan sa ngalan ng Diyos ang pumatay, aniya. Pinangunahan niya ang nasa 10,000 kataong nagtipun-tipon sa St. Peter’s Square para sa sandaliang katahimikan at pagdarasal sa Birheng Maria.
Sa kabila ng pagkakasangkot ng mga militanteng Islam sa serye ng karahasan noong nakaraang linggo, binigyang-diin ng Santo Papa ang kanyang apela sa mga bansa sa mundo na tulungan ang mga refugee at migranteng nais tumakas mula sa mga pag-uusig, digmaan, kalamidad, at kahirapan sa kani-kanilang bansa, karamihan sa kanila ay mula sa Africa at Gitnang Silangan.
“Migration should be recognized as a natural human response to crisis and a testament to the innate desire of every human being for happiness and a better life,” sabi ni Pope Francis. Naghahanda ang Vatican ng mga hakbangin upang humikayat ng pinag-isang pandaigdigang suporta para sa mga refugee at paglilikas na tatalakayin ng United Nations General Assembly sa Setyembre 2018.
Humaharap ang Pilipinas sa sarili nitong problema sa terorista sa nakalipas na mga buwan, bagamat ang huli ay may kaugnayan sa suliranin sa krimen at ilegal na droga at mga pag-abuso ng mga nagpapatupad ng operasyon upang maresolba ang mga ito.
Nagsalita na ang sarili nating mga lider-relihiyoso laban sa mga pag-abusong ito, kabilang sa kanila si Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. Nakikiisa sila sa apela ni Pope Francis laban sa lahat ng uri ng terorismo.