Ni BELLA GAMOTEA

Aabot sa mahigit P5 milyong halaga ng hinihinalang shabu, marijuana at mga drug paraphernalia ang nakumpiska sa umano’y apat na tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DEU-SPD) sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPD Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang mga inarestong suspek na sina Arnel Teoro y David, alyas Lucky; Arvin Michael Cruz y Macalalad, alyas Arvin; Sean Stephen Tabangcura y Refuerzo, alyas Jameer; at Moana Jasmine Mina, alyas Tin-Tin, pawang nasa hustong gulang.

Sa isinumiteng report ni Chief Insp. Jerry Amindalan, team leader ng DEU-SPD, nagsagawa ng buy-bust operation ang awtoridad laban sa mga suspek sa isang bahay sa No. 1950 Tramo Street, Barangay 61, Zone 8, Pasay City, dakong 9:50 ng gabi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga pulis nang mahuli sa aktong inaabot ang droga sa poseur-buyer.

Narekober mula sa mga suspek ang isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P5,000; P5,000 buy-bust money; anim na selyadong pakete na naglalaman ng white crystalline substance; isang malaking transparent na pakete ng hinihinalang shabu; isang medium transparent na pakete na may pinatuyong mga dahon ng marijuana; isang improvised glass tooter; isang digital weighing scale at apat na disposable lighter.

Ayon kay Apolinario ang nakumpiskang hinihinalang shabu ay may bigat na 1.015 kilo at ito ay nagkakahalaga ng P5,050,000.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, 12 at 12B, Article II Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at pawang nakakulong sa SPD headquarters.