HINIRANG bilang Bayaning Pilipino para sa taong 2017 si Fructuosa Alma “Neneng” Olivo, isang social worker na inilaan ang tatlong dekada ng kanyang buhay sa pagtuturo sa mga batang Badjao sa malalayong komunidad sa Davao City, sa ginanap na 14th Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards kamakailan sa Dolphy Theater ng ABS-CBN sa Quezon City.

Bayaning Pilipino Awardees 2017 kasama si Gabby Lopez copy

“Sa lahat ng naniniwala sa ginagawa ko, simple lang naman po ito. Lahat tayo ay tinawag para maging bayani. Kaya ‘pag tayo ay nagbigay, ibigay po natin lahat sa abot ng ating makakaya,” sabi ni Neneng sa kanyang maikli ngunit madamdaming talumpati.

Ang Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards ay pagpaparangal sa mga makabagong bayani sa loob at labas ng bansa. Binibigyang-pugay nito ang mga pambihirang paglilingkod ng mga Pilipino sa kanilang kapwa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa opening remarks ni ABS-CBN Chairman Eugenio “Gabby” Lopez III, binigyang diin niya na taglay ng isang bayani ang determinasyon at pagmamahal sa kanilang ginagawa upang makatulong at mapaunlad ang buhay ng iba. Para kay Gabby, ang tagumpay ng mga bayani ay bunga ng paglilingkod sa kapwa na ginagawa nila nang buong puso.

Bukod kay Neneng, kinilala rin ang midwife na si John Mark Odani bilang Bayaning Kabataang Pilipino para sa kanyang dedikasyon na makapagbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga katutubo sa Brgy. Batian sa Sarangani, at kinilala namang Bayaning Samahang Pilipino ang Psoriasis Philippines Online Community, Inc. (PSORPHIL) para sa adbokasiya nitong mabura ang stigma sa mga taong may psoriasis at para tulungan ang mga nagtataglay nito na labanan ang depresyon.

Nagbigay-pugay rin ang Bayaning Pilipino Awards sa mga Pinoy sa North America, South Korea, at Qatar at pinarangalan ang mga makabagong bayani na gumawa pa rin ng makabuluhang paglilingkod sa kapwa kahit sila ay nasa ibang bansa.

Sa North America, iginawad ang Bayaning Kabataang Pilipino sa North America award kay Loizza Aquino, founder ng Peace of Mind 204, isang youth-led organization na nagsusulong ng kamalayan tungkol sa iba’t ibang mental health issues at tumutulong sa mga taong may sakit sa pag-iisip.

Nagwagi naman ng Bayaning Samahang Pilipino sa North America award ang Building Lives for a Better Future, isang non-profit organization na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga estudyante.

Panalo rin si Katherine Corteza bilang Bayaning Pilipino sa South Korea para sa paggamit niya ng kanyang boses upang talakayin ang napapanahong mga isyu gaya ng labor abuse, inequality, at migration sa mga Pilipino roon, samantalang si Noli Perez naman ang hinirang na Bayaning Pilipino sa Qatar para sa kanyang pagsusumikap na mailigtas ang ilang overseas Filipino workers sa gitna ng panganib na dulot ng labor injustice sa Middle East.

Ginawaran din ng special citation si Darlito Palermo ng Tagum City, Davao del Norte.

Ang gabi ng parangal ay pinangunahan nina Julius Babao, Robi Domingo, at Judy Ann Santos kasama si Angel Locsin, performers naman sina KZ Tandingan, Iñigo Pascual, Ylona Garcia, JK Labajo, Froilan Canlas, Voltz Vallejo, at Ogie Alcasid, at presenters sina Nash Aguas, Alex Ilacad, Enchong Dee, Michelle Gumabao, Marielle de Leon at Rachel Peters.

Panoorin ang 14th Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards ngayong gabi (Linggo, August 27), 10:15 AM bago mag-ASAP sa ABS-CBN.