Ni: Clemen Bautista
MULING nakinabang ang mga taga-Binangonan, Rizal sa medical-dental mission at blood letting sa Ynares Plaza sa nasabing bayan sa Rizal, nitong Agosto 25. Ang libreng gamutan at blood letting ay handog ni dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr. sa kanyang mga kababayang taga-Binangonan sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Agosto 26, Sabado, ang kaarawan ni dating Rizal Gov. Ynares kaya ang medical mission at blood letting ay isinagawa ng Agosto 25. Ito ay apat na dekada nang ginagawa ni dating Rizal Gov. Ynares. Sinimulan niya ito noong mayor pa siya ng Binangonan at kanyang ipinagpatuloy nang maging gobernador siya ng Rizal. At kahit wala na siya sa pamahalaan, ipinagpatuloy niya ang nasabing programa para sa mga taga-Binangonan bilang tulong at pasasalamat at pagbabahagi ng kanyang mga natanggap na biyaya sa buhay.
Ayon kay Dr. Iluinado Victoria, provincial health officer ng Rizal, umaabot sa mahigit 500 katao, na binubuo ng mga bata at matandang lalaki at babae na mula sa iba’t ibang barangay sa Binangonan, ang nakinabang sa libreng medical-dental mission. Sa blood letting, aabot naman sa 430 ang blood donor na nagmula rin sa iba’t ibang barangay sa Binangonan. Ang Binangonan ay binubuo ng 40 barangay at kasama rito ang mga barangay sa Tali Island. Ang blood letting ay dating pinamahalaan ng Philippine Red Cross. Ngunit ngayong 2017 ay nasa pamamahala na ng mga doktor at medical team ng Rizal Provincial Hospital System mula sa Angono, Morong, Antipolo, Binangonan, Montalban, Pililla at Jalajala. Ang mga bag ng dugo ay dadalhin sa blood bank ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal na nasa Margarito Duavit Memorial Hospital sa Barangay Darangan.
Binago na ang patakaran sa blood letting. Kung dati ay binibigyan ng gantimpala ang tatlong barangay na may pinakamaraing blood donor, ngayon ay idinaan na ito sa raffle draw. Bumunot ng apat na barangay at ang apat napili ay ang Barangay Darangan, Barangay Lunsad, Barangay Pag-asa at Barangay Pila-Pila. Pumili rin, sa pamamagitan ng raffle draw, ng dalawa pang barangay na bibigyan ng gantimpala. Isa sa mainland at isa sa Talim Island. At ang nabunot ay ang Batangay Batingan at ang Barangay Janosa, ayon sa pagkakasunod. Ang raffle draw ay pinamahalaan ni Russel Ynares, municipal administrator ng Binangonan. Ang bumunot sa mga barangay na bibigyan ng gantimpala ay sina Sally Reyes, ng Rizal Provincial Governor’s Office; at Buddy Arabit, head ng Rizal Anti-Drug Abuse Council (RADAO).
Naging mga panauhin sa medical-dental mission at blood letting sina Rizal Gov. Nini Ynares, Binangonan Mayor Cesar Ynares, mga miyembro ng Sanggunian Bayan, Antipolo City Mayor Jun Ynares, mga barangay captain ng Binangonan at dating opisyal ng Binangonan.
Sa bahagi ng mensahe ni Rizal Gov. Nini Ynares, matapat niyang pinasalamatan ang lahat ng mga taga-Binangonan at iba pang Rizalenyo sa patuloy na suporta sa medical-dental mission at blood letting tuwing sasapit ang kaarawan ni dating Rizal Gov. Ito Ynares. Ipinarating din niya ang pasasalamat ni dating Gov. Ito Ynares. Ipinahayag pa ni Gov. Nini Ynares na ang inihandog na dugo ng mga blood donor ay dadalhin sa sariling blood bank ng probinsiya ng Rizal na nasa Margarito Duavit Memorial Hospital. Nagpasalamat din si Binangonan Mayor Cesar Ynares sa lahat ng mga sumuporta at tumulong sa libreng gamutan at blood letting.
Ang mga lumahok sa medical-dental mission at blood letting ay ang mga doktor at medical team ng Rizal Provincial Hospital System, ng Binangonan Municipal Health Center, ng Rizal Provincial Health Office at iba pang volunteer doctor sa Rizal na may puso sa pagtulong. Ang mga taga-Binangonan naman na nakinabang sa libreng gamutan at blood letting ay nagpaabot ng pasasalamat kay dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr. na hindi nalilimutang tumulong tuwing sasapit ang kanyang kaarawan. Sa kanilang mga dasal ay palaging kasama ang dati nilang mayor na pagpalain ng Poong Maykapal na nasa puso ang pagtulong, hindi lamang sa mga taga-Binangonan kundi sa lahat ng mga Rizalenyo.