Ni: Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea
Sa paglalatag ng safety blanket, napigilan ng Pasay City Rescue Team ang pagpapakamatay ng isang babae na tumalon sa footbridge sa EDSA corner Taft Avenue, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Michael Flores, miyembro ng Pasay Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng babae na tumangging makipag-usap sa awtoridad. Gayunman, sinabi ni Flores na ang babae ay nasa edad 25 hanggang 30.
Aniya, sinagip ang babae nang mabigo ang isang grupo na pinamumunuan ni Miguel Culambot na makumbinse ang babae na bumaba sa tulay at nagdesisyong tumalon, bandang 8:40 ng umaga.
Sa kabutihang-palad, ligtas na nahulog ang babae sa blanket na inilatag ng grupo sa ilalim ng tulay.
Sinabi ni Flores na inaalam na nila ang dahilan ng babae sa pagtalon mula sa tulay ngunit naniniwalang dumaranas ito ng matinding depresyon.