Ni: Fer Taboy

Sinibak sa serbisyo ang opisyal ng pulisya sa Ajuy, Iloilo na sa anibersaryo ng Philippine National Police (PNP) kamakailan ay kinilalang Best Chief of Police, habang Best Municipal Police Station naman ang kanyang himpilan.

Ayon sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO), sinibak sa serbisyo bilang hepe ng Ajuy Municipal Police at supervisor ng Provincial Drug Enforcement Unit Team 3 si Chief Insp. Charlie Sustento, gayundin ang tatlo niyang tauhan.

Kasamang nasibak sa puwesto ni Sustento sina PO3 Ramon Baylon Jr., PO2 Joebert Detorio, at PO1 John Dimzon.

Probinsya

‘Premonition nga ba?’ Pagdagsa ng ibon sa ilang lugar sa Bicol, umani ng reaksiyon

Sinabi ni Chief Insp. Aaron Palomo, tagapagsalita ng IPPO, na ang dismissal order ay galing mismo sa Office of the Ombudsman kaugnay ng kasong isinampa ng ilang complainant noong si Sustento pa ang hepe ng Dumangas Municipal Police, kaugnay ng pagpasok umano ng mga pulis-Dumangas sa isang compound na may kinalaman sa insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo.

Batay sa desisyon ng Ombudsman na nilagdaan ni Emmanuel Ringpis Jr., Graft Investigation and Prosecution Officer II, may sapat na ebidensiya ang mga kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police Officer laban kay Sustento at sa tatlong kasamahang police non-commissioned officer (PNCO).

Ang nasabing mga kaso ay may katapat na parusang pagkakasibak sa tungkulin, pagkansela ng eligibility at mga retirement benefit, at perpetual disqualification sa paglilingkod sa gobyerno.

Samantala, tiniyak naman ng IPPO na tutulungan nito si Sustento at tatlong kasamahan nito kung iaapela ang kaso.