Ni: Liezle Basa Iñigo, Vanne Elaine Terrazola, Rommel Tabbad, at Fer Taboy

Anim na katao ang dinakip nang maaktuhang umiinom ng alak sa Cauayan City, Isabela sa kasagsagan ng bagyong ‘Jolina’.

Ayon sa report ng local radio station sa Cauayan, nagpatrulya ang mga kasapi ng Cauayan City Police at Public Order and Safety ng Cauayan bandang hapon ng Agosto 25 bilang bahagi ng paghahanda sa pagdating ng bagyong Jolina nang maaktuhan ang kalalakihang umiinom ng alak sa isang tindahan ng District 1, Cauayan City, Isabela.

Kabilang sa mga dinakip sina Charito Muñoz, 43, balo, ng Barangay Buyon, na may-ari ng tindahan; Jojo Santos, 42, ng Villa Concepcion; Reggie Bugan, 32, ng Bgy. Nungngungan Dos; Jeffrey Santos, 24, ng Villa Concepcion; at Rey Condimilacor, tubong Bacolod City ngunit pansamantalang naninirahan sa Bgy. Napakku Pequenio, Reina Mercedes, Isabela.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Mahigpit ang kampanya ng PDRRMC ng Isabela sa panahon ng bagyo laban sa pagbebenta at pag-inom ng alak.

Ang mga inaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa lokal na panuntunan na nagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa panahon ng kalamidad.

Samantala, inalis na ang warning signals sa mga lugar na apektado ng Jolina at umaasa ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tuluyan na itong mawawala sa Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Linggo ng umaga.

Sa update ni PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio, kahapong 5:00 ng hapon ay papalabas na ang bagyo sa PAR sa 280 kilometro sa kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte na may dalang hanging 80 kilometro kada oras at bugsong umaabot sa 95 kph.

Ayon kay Aurelio, patuloy na umuusad ang Jolina sa West Philippine Sea sa bilis na 24 kph papuntang hilagang-kanluran. Inaasahan na ang magandang panahon ngayong Linggo.

Sinabi rin ni Aurelio na inaasahang lalakas si Jolina habang papalapit sa China na inaasahang tatama sa kalupaan doon bukas ng tanghali.

Samantala, dalawang katao ang iniulat na nawawala sa paglikas ng umaabot sa 20 pamilya nang tangayin ng rumaragasang baha ang kanilang mga bahay dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Camarines Sur.

Ayon sa Camarines Sur PDRRMC, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang report na dalawa ang nawawala sa mga bayan ng Nabua at Bula.

Sinabi rin ng PDRRMC na walong bahay sa bayan ng Minalabac ang totally damaged at 12 naman ang partially damaged.

Umabot din umano ng dalawang metro ang baha sa mga bayan ng Balatan at Baao, at 17 na katao naman ang inilikas sa bayan ng Pamplona.

Nabatid na una nang itinaas ang signal number 1 sa Camarines Sur na nagdulot ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa nasabing mga lugar.