Nina LIEZLE BASA IÑIGO at FER TABOY
LINGAYEN, Pangasinan – Iniulat kahapon ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ang pagkamatay ng tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa engkuwentro sa mga barangay ng Malico at Sta. Maria sa bayan ng San Nicolas sa Pangasinan.
Ayon kay Senior Supt. Oliver Lee, PPPO director, na nakaengkuwentro ng tropa ng Regional Public Safety Battalion (RPSB)-1 at PPPO ang hindi tukoy na dami ng armadong lalaki habang nagsasagawa ng combat clearing operations sa dalawang nabanggit na barangay ng San Nicolas bandang 5:20 ng hapon nitong Biyernes.
Nasawi sa bakbakan ang tatlong pinaniniwalaang miyembro ng NPA.
Nasamsam sa lugar ng sagupaan ang landmine na improvised explosive device (IED), ignition switch, .9mm pistol submachine gun, dalawang rifle grenade, iba’t ibang magazine at bala, at dalawang cell phone.
Wala namang nasugatan sa panig ng pulisya.
4 NA BINIHAG, P1.2M ISINAULI
Kasabay nito, sinalakay ng mga NPA ang isang construction site sa Gingoog City sa Misamis Oriental, binihag ang apat na empleyado sa lugar, tinangay ang P1.2 milyon na payroll money, at sinunog ang dalawang truck ng kumpanya nitong Biyernes.
Sa report ng Misamis Oriental Police Provincial Office (MOPPO), sinalakay ng mga NPA, sa pangunguna ni Kumander Dahon ng Guerilla Front 4B, ang construction site sa Gingoog.
Sinabi naman ni Supt. Roel Lami-ing, hepe ng Gingoog City Police Office (GCPO), na humingi ng saklolo sa himpilan si Engr. Tim Joseph Pepe, project manager ng Equiparco Construction Company, makaraang tangayin ng NPA ang mga empleyado ng kumpanya na sina Ricky Calma, driver; Sundallo Gonzales, security guard; Leah Mae Libreha, cashier; at Lloyd Simbajon.
Sinunog din ng mga rebelde ang dalawang truck ng kumpanya at tinangay ang P1.2 milyon pangsuweldo sa mga kawani.
Nakatakas ang mga rebelde bitbit ang apat na empleyado patungo sa Sitio Talangisog, at nagsagawa ng road blocking.
Gayunman, kalaunan ay pinakawalan din ng NPA ang apat na bihag dakong 4:00 ng hapon, at isinauli rin ang pera.