HINDI pa malaya ang Marawi City sa mga terorista ng Maute na sumalakay sa lungsod noong Mayo 23 katuwang ang mga dayuhang mandirigma na naiimpluwensiyahan ng ideyalismo ng Islamic State sa Gitnang Silangan. Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroon pang 30 hanggang 40 terorista ang nananatili sa isang bahagi ng lungsod.
Ngunit sinimulan na ng gobyerno ang rehabilitasyon sa siyudad, at pinangungunahan ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) ang mga paglilinis. Armado ng mga walis, pamutol ng damo, bolo, at brotsa, nasa 80 sundalo at pulis ang sumusuyod ngayon sa siyudad, tinatanggal at hinahakot ang mga dumi at kinukumpuni ang mga sira-sirang pader, bago pa magbalikan ang mga residente sa siyudad.
Isang espesyal na grupo ng mga pulis na Maranao ang ipinadala sa mga mosque at sa iba pang mga relihiyosong lugar, upang matiyak na maisasakatuparan ang trabaho nang hindi nalalabag ang mga paniniwala at gawaing Islam.
Sa kaparehong panahon noong nakaraang linggo, sinimulan na rin ng Mindanao State University (MSU) ang paglilinis nito alinsunod sa programang Brigada Eskuwela upang maghanda para sa pagbabalik-eskuwela nitong Agosto 22. Magkatuwang din ang AFP at ang PNP sa proyektong ito sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod. Nagkataon namang dalawang opisyal ng militar, na ang mga tauhan ay kabilang sa mga naglilinis sa MSU, ang nagsipagtapos sa unibersidad — sina Brig. Gen. Felicisimo Budiungan at Col. Allan Hambala.
Pinasalamatan ni Mayor Majul Gandamra ang agarang pagbabalik-eskuwela ng MSU. “MSU is hope — hope that everything will be back to normal someday,” aniya. “We are also hoping that one day, downtown Marawi will also be on the same track toward normalcy.”
Nasa 250,000 taga-Marawi ang napilitang lisanin ang kani-kanilang bahay nang sumiklab ang rebelyon noong Mayo, at kaagad na nagdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar sa buong Mindanao. Kinuwestiyon sa Korte Suprema ang proklamasyon, ngunit kinatigan ito ng kataas-taasang hukuman at bumoto ang Kongreso upang palawigin pa ito hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Pinili ng militar na hindi malakihang operasyon upang lipulin ang mga natitirang teroristang Maute upang maiwasan ang maraming pagkasawi, lalo na dahil patuloy na kinukupkop ng mga rebelde ang maraming bihag nito. Patuloy ang paunti-unting pagsuyod ng puwersa ng gobyerno laban sa mga terorista, bawat kalye, bawat gusali.
At kahit na nagpapatuloy pa ang huling bahagi ng bakbakan, nagsimula nang isailalim sa rehabilitasyon ang Marawi City sa pagtatalaga ng mga grupong maglilinis sa mga lansangan—partikular na—sa mga mosque sa siyudad. Tiniyak ng Pangulo na mayroong P50 bilyon na inilaan upang mapanumbalik ang ganda ng lungsod na sentro ng kulturang Muslim sa Mindanao.