Ni: Celo Lagmay

NAKATUTUWANG mabatid na sa kabila ng tila walang kapararakan at kabi-kabilang pagdinig sa Kongreso, pinagtibay ng 238 kongresista ang Magna Carta of the Poor (MCP). Ang naturang panukalang-batas ay inaasahang sasaklolo sa mga dehado o marginalized sector upang sila ay makaahon sa karalitaan.

Matagal nang inaasam ng ating mga dukhang kababayan ang pagsasabatas ng MCP na pinagtibay na noong panahon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Sa kasamaang-palad, ang naturang panukala ay ibinasura ng makapangyarihang veto power ng Pangulo sa katuwiran na ito ay makaaapekto sa pananalapi ng gobyerno. Hindi ba ang ganitong paninindigan ay mistulang lalong nagpabigat sa nakalugmok nang kalagayan ng mga dukha?

Napag-alaman ko na ang bagong bersiyon ng naturang bill, na walang kagatul-gatol na pinagtibay sa third at final reading ng mga mambabatas, ay makatutugon sa panlasa ni Pangulong Duterte. Masyadong malaki ang kanyang malasakit sa ating mga kapatid na maralita; laging nakatuon ang kanyang atensiyon sa ating mga kababayan na walang hanapbuhay, walang bahay at karamihan sa kanila ay mga iskuwater at naninirahan sa mga estero. Ito marahil ang dahilan kung bakit walang pag-aatubili niyang pinayagan ang Kadamay Group na lumusob sa isang housing project sa Pandi, Bulacan. Hindi ba ang gayong nakadidismayang estratehiya ay mistulang pang-aagaw ng housing unit na hindi naman nakalaan sa kanila?

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa bagong bersiyon ng MCP, inalis ang probisyon na mahigpit na tinutulan ni Aquino. Ngunit ito ay nakalundo pa rin sa mga biyaya at kaluwagan na dapat lamang tamasahin ng mga maralitang angkan. Binibigyang-diin dito ang limang pangunahing karapatan ng sambayanang nasa laylayan, wika nga, tulad ng karapatan sa pagkain, karapatan sa hanapbuhay at kabuhayan, karapatan sa libre at may kalidad na edukasyon, karapatan sa pabahay, at karapatan sa pangunahing health services at medisina.

Sa pagpapatupad ng naturang batas, matapos na ito ay lagdaan ng Pangulo, kailangang tiyakin ang pangangalaga sa karapatan ng mga mahihirap. Sa IRR o implementing rules and regulation, kailangan ang maingat na pagsala o screening ng tunay na mga maralita; hindi maiiwasan ang mga nagpapanggap na dukha na magsamantala sa MCP.

Ang tunay na maralita ay yaong mga kababayan natin na masyadong mababa ang kinikita at hindi halos matugunan ang pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya; yaong mga kumain-dili, wika nga, na hanggang ngayon ay laging umaasam sa ayuda ng pamahalaan at ng mga mapagmalasakit na kalahi.