Ni REGGEE BONOAN
INTENSE ang natitirang dalawang linggong episode ng The Better Half at para lalong mapaganda at mabigyan ng makatotohanang kuwento ang mga manonood, mahahabang puyatan ang inaabot ng cast.
Kaya halatang ngarag sila lahat nang humarap sa finale presscon nitong nakaraang Huwebes.
Parehong naka-shades na dumating sa 9501 Restaurant sina Rommel Padilla, JC de Vera at Carlo Aquino dahil maga pa ang mga mata’t halatang bagong gising at bitin pa sa tulog. Puyat din ang mga bidang babaeng sina Shaina Magdayao, Joyce Ann Burton, Nadia Montenegro at Denise Laurel pero ang gaganda pa rin.
Hindi iisiping close silang lahat sa set ng The Better Half, batay na rin sa mga kuwentuhan sa presscon, kung nasubaybayan ninyo ang kuwento ng serye. Sobrang suklam si Bianca (Denise) kay Camille (Shaina) dahil nga kahit asawa na niya si Carlo (Marco) ay alam niyang hindi siya ang tunay na mahal nito.
Awa naman ang nararamdaman ni Camille sa dating asawa na si Marco dahil ang mahal niya ngayon ay si Rafael (JC) na.
Sikat na sikat si Denise sa mga tagasubaybay ng The Better Half dahil sa maayos na pagkakaganap niya sa napakasamang karakter as Bianca. Aminado ang aktres na sobrang stressed at nahihirapan din siya sa ginagampanan niyang papel.
Kaya ang unang tanong sa Q and A portion, kailan papatayin si Bianca (Denise) na ikinatawa ng lahat.
“Uso patayan ngayon at matira matibay, so si Bianca isa sa matibay kaya bandang dulo pa siya, maghahasik muna ng maximum lagim bago may mangyari sa kanya,” sagot ng creative head ng GMO production unit na si Ms. Mel del Rosario.
Tinanong naman sina Shaina, JC, Carlo at Denise kung kailan nagiging bitter ang isang better half, base sa kuwento ng kanilang serye.
“Nagiging bitter lang ang pagmamahal ni Rafael,” simulang sagot ni JC, “kapag hindi naibabalik ‘yung pagmamahal na ibinibigay niya lalo na kapag mayroon siyang kakumpetensiya, nai-insecure siya kapag may kasabay siyang nagmamahal sa isang babae. Mahal na mahal ako ni Camille sa istorya, ‘kaso nga ang may problema si Rafael kasi insecure siya sa sarili kaya siya nagiging bitter kay Marco kasi hindi matanggap nang buo ni Rafael ‘yung past ni Camille.
“Si Marco,” sagot naman ni Carlo, “minahal lang naman niya si Camille nang buo at totoo at naghihintay lang siya kung ibabalik sa kanya ‘yung pagmamahal. Unfortunately, hindi ibinalik sa kanya at never namang naging bitter dahil pinakawalan na niya ng walang resistance sa sarili. Sinubukan niyang ilaban noong una ‘yung pagmamahal, pero hindi talaga kaya pinakawalan na lang niya.”
Ang sagot ni Denise nang tanungin kung bakit sobra-sobra ang pagmamahal ni Bianca: “Personally, I’ve never met anyone like that, pero the intensity of pagmamahal, I think, si Bianca comes within a reason, maraming masamang nangyari sa isang tao but it’s how you handle it, it just so happened si Bianca isn’t handling it in the right way.
“The only reason why she’s so bitter and so in love because she never felt love all her life except from Marco, and from that to be taken away from her parang nawalan siya ng buhay and she’s forever trying to get that happiness and that love back.
“So, I think if anybody has been hurt before to a certain extent, makaka-relate sila kay Bianca at one point or another you know, I’m sure everyone of us has cried over someone before, has been hurt by someone before, and there’s a choice there. You can be bitter or you choose the situation to make you stronger. It just so happened that this one, Bianca chose the dark side that’s why she’s the bitter half,” magandang paliwanag ng mahusay na aktres.
Paglalarawan naman ni Shaina sa karakter niya, “Si Camille po ay malapit sa akin, malamang sa maraming kababaihan dito, actually, maski hindi sa mga babae. Alam n’yo po ‘yan, ‘yung cycle of life, nagmamahal ka pero alam mo na kasabay ng pagmamahal mo you when you take a risk na puwede ka pong masaktan in the end. And tayo bilang human lang, I think dumarating tayo sa punto na kapag tayo’y nasasaktan, normal lang na ma-feel natin ‘yung mga emotions na anger, bitterness. ‘Yung kay Rafael na insecurity which is I like and love about our show kasi napakatotoo po, dahil lahat po tayo, pinagdadaanan ‘yun. ‘Yung sinabi ni Bianca na at the end of the day, problems will come and go, pero nasa tao po iyon kung paano ninyo iha-handle and si Camille, hindi siya 100% angel, hindi po siya malinis na malinis, may mga faults din siya, isa siyang tao. So nu’ng nawala sa kanya si Marco, sobrang sakit sa kanya, she didn’t handle it well, kaya muntikan na siyang mawala sa sarili. But then, I guess, mayroong purpose kung bakit po ipinadala ni Lord si Rafael sa buhay ni Camille. Kaya maniwala lang po tayo na things happened for a reason and you always look for the brighter side of life.”
Magtatapos na ang The Better Half at inamin ng cast na mami-miss nila ang samahan nila sa set. Lahat sila nagsasabi na kakaiba ang nabuong friendship nila, na tawanan lang nang tawanan kapag break time, pero kapag kailangan na nilang magseryoso dahil nga intense ang mga eksena nila ay nagtutulungan sila.
Emosyonal ang kuwentuhan ng cast na ngayon lang sila nakapagtrabaho na napakasaya at napakaganda ng nabuong samahan, lalo na kapag tapos na ang trabaho at nagtatanungan pa kung nakauwi na ang bawat isa sa kani-kaniyang bahay at nagsasabihan ng ‘goodnight.’
Walang maisagot ang lahat nang may magtanong kung ano ang mangyayari sa ending ng serye nila.
“Walang nakakaalam kasi sa Monday and Tuesday pa po ang last taping day namin, kaya pinaghahandaan na namin,” pahayag ng lahat.
Relatable ang characters ng The Better Half kaya ito sinusubaybayan at patunay dito ang mataas na ratings nila. Kaya kahit pagod at puyat ang lahat ay masaya at maganda ang mga ngiti lalo na ng unit head nilang si Ms. Ginny M. Ocampo and staff dahil sulit lahat.