Ni: PNA
UPANG masiguro ang tagumpay ng National Quitline ng Department of Health, nananawagan ang isang lung specialist sa mga nais nang ihinto ang paninigarilyo sa maayos na paggamit sa nasabing programa upang maiwasan ang aberya.
Sinabi ni Dr. Glynna Ong-Cabrera, miyembro ng Council on COPD and Pulmonary Rehabilitation, na nakatanggap na ng mahigit 1,500 mensahe mula sa mga mobile phone ang nasabing hotline ngunit kalahati nito, nasa 700, ay kabilang sa nagkaroon ng aberya sa pagpapadala ng mensahe.
“Minsan po tayong mga Pinoy nagso-shortcut in texting. So, instead of texting STOPSMOKE, the sender texts STP SMK,” sabi ni Cabrera sa pagpupulong sa Quezon City kaugnay ng pagdiriwang ng National Lung Month ngayong Agosto.
Ang iba umano, aniya, ay binabaliktad ang STOPSMOKE bilang SMOKESTOP, at ang iba naman ay sumasagot ng OK, na parehong mali umano at dapat na iwasto dahil binabasa ito ng computer bilang pagkakamali sa sistema.
“We just need the help of the media in relaying to the public that there is a hotline for those who want to quit smoking,” ani Cabrera, na umaasa na bibigyang-pansin ng publiko ang mga ganitong pagkakamali.
Ayon kay Dr. Imelda Mateo, pinuno ng Philippine College of Chest Physicians’ (PCCP) Council on Tobacco or Health and Air Pollution, 10 porsiyento umano sa mga nagpadala ng mensahe ang nagamit nang maayos ang mga paraan kung paano mahihinto ang nasabing bisyo.
“There are 150 callers who are being monitored by our personnel. It’s like a BPO call center wherein the callers are led to the steps to take,” ani Mateo.
Dagdag pa ni Mateo, maaari ring irekomenda ng mga Pilipino ang Quitline sa mga taong nais na ring huminto sa paninigarilyo.
Magagamit ang National Quitline sa pamamagitan ng pagtawag sa 165-364, para sa pagpapayo tungkol sa pagtigil sa paninigarilyo, o pagpapadala ng mensahe sa (29290) 165364 ng STOPSMOKE.
Ang nasabing hotline ay inilunsad nitong Hunyo 19 ng Lung Center of the Philippines sa Quezon City, alinsunod sa implementasyon ng executive order na magreresulta sa smoke-free areas sa mga pampubliko at pribadong establisyemento sa bansa.