Nina Genalyn D. Kabiling at Orly L. Barcala

Sinabi ng Malacañang na isang “wake-up call” ang pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos sa gobyerno upang maisulong ang wastong reporma, at nilinaw na ang kampanya kontra droga ay “not a license to break the law.”

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, dapat na magsilbing paalala ang insidente sa mga pulis na sundin ang batas at due process sa pagpapatupad ng mga operasyon kontra droga.

“We hope this serves as a reminder to the PNP personnel to follow the established PNP policies and operational procedures; that their personnel are properly guided in the conduct of police operations, particularly in the adherence to the rule of law and due process,” ani Abella.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kian’s case is a wake-up call for the need to reform government institutions; even law enforcement agencies—a challenge that the President voiced from the beginning of his campaign for the presidency,” dagdag ni Abella.

Pinatay si delos Santos ng mga pulis sa isang anti-drug operation sa Barangay 160 sa Caloocan City nitong Agosto 16 makaraan umanong manlaban. Labis namang ikinagalit ng publiko ang kaso makaraang lumabas ang CCTV footage at ang mga pahayag ng testigo na taliwas sa pahayag ng mga pulis, na nagpapahiwatig na inaresto, kinaladkad at pinatay nang walang kalaban-laban ang binatilyo.

“The President has clearly stated that the war against drugs is not a license to break the law,” sabi ni Abella. “He has already directed a fair and impartial investigation on the death of Kian de los Santos as he assures the public that he would not tolerate any illegal act or wrongdoing committed by erring policemen. Those found responsible would be held accountable before the law.”

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Abella na ipagpapatuloy ng gobyerno ang drug war.

Samantala, tahasan namang sinabi ni Lorenza delos Santos, ina ni Kian, na pawang sinungaling ang tatlong pulis na pumatay sa kanyang anak nang makaharap niya ang mga ito sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes.

Ayon sa ginang, halata sa mukha nina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz ang pagsisinungaling, at kung hindi man makasagot at hindi rin mapakali kapag tinatanong ng mga senador.

“Mensahe ko sa tatlong pulis na pumatay kay Kian, may mga anak din kayo. Hindi ko kayo mapapatawad,” ani Lorenza.

Bandang 8:00 ng umaga ngayong Sabado ang libing ni Kian.