Ni: Clemen Bautista
NASA ika-26 na araw na ngayon ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ang selebrasyon ay idinaraos sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. May inilunsad na mga aktibidad bilang bahagi ng pakikiisa at pagpapahalaga sa pagdiriwang. Tulad ng timpalak sa pagsulat ng maikling kuwento, tula at sanaysay na nilahukan ng mga mag-aaral. Sa ibang paaralan ay nagdaos ng seminar na pangwika. May nagdaos din ng timpalak bigkasan at talumpatian sa wikang Filipino. Maging sa mga unibersidad at kolehiyo ay may inilunsad na gawaing pangwika.
Noon, ito ay ipinagdiriwang sa loob ng isang linggo o limang araw na kung tawagin ay “Linggo ng Wika”. Sinisimulan ng Agosto 13 at nagtatapos ng Agosto 19 na kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa. Ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay batay sa Presidential Proclamation No.186 ni dating Pangulong Magsaysay noong Setyembre 23, 1955. Ngunit nang sumapit ang panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos , tulak ng pagiging makabayan at pagpapahalaga sa wikang pambansa, nilagdaan niya ang Executive Order No. 1041 noong Hulyo 15, 1997 na nag-aatas na ang Agosto ay gawing Buwan ng Wika at Nasyonalismo. Mula noon, ang pagdiriwang ay naging isang buwan. Ipinagpatuloy ng mga naging Pangulo ng Pilipinas, na may kanya-kanyang pananaw sa wikang pambansa. Ang wikang Filipino ay ginamit sa kanilang pakikipag-usap sa ating mga kababayan at sa kanilang pagtatalumpati.
Ang ating wika, na kilala dati sa tawag na PILIPINO at ngayo’y FILIPINO, na batay sa isinasaad ng ating Konstitusyon na sa ilang pagkakataon noon ay gustong baguhin ng mga sirkero at payaso sa Kongreso, ay nahaluan ng mga salitang bunga ng karanasang pambansa at ng impluwensiyang pandaigdig. Ang dating pakahulugan sa Pilipino ay binubuo ng dalawang salita PILI (salitang malay) at PINO (salitang Kastila). Ang karanasang pambansa ay nagbigay ng mga salitang mula sa mga kaugaliang panlipunan, pangkabuhayan, pulitika at sa anumang kaugnayan ng mamamayan sa loob ng bansa. Ang mga salitang dala ng impluwensiyang pandaigdig ay nagdaraan sa mga pahayagan, radyo, telebisyon, Internet at iba pang komunikasyong internasyonal na kinasasangkutan ng mga Pilipino.
Ang wika ay kasangkapang ginagamit ng tao upang magamit sa pakikipag-unawaan sa loob ng isang pamayanan o bansa, sa palitan ng kuru-kuro o opinyon, balitaan, damdamin, pag-aaral, pagtitipon at pagtuturo ng karunungan, pagsusuri at pagsisiyasat sa hiwaga ng kalikasan at talinhaga ng buhay.
Ang pagpapahalaga at ang pagpapaunlad sa wika ay bahagi na rin sa pamamahala ng lahat ng mga naging pangulo ng Pilipinas. Mula kay Pangulong Manuel L. Quezon na sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa wika ay kinilalang “Ama ng Wikang Pambansa”. Ayon kay Pangulong Quezon, ang wikang pambansa ay isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa.
Ang paglaganap ng Wikang Filipino ay mapapansin sa mga pahayagan, radyo at telebisyon. Araw-araw ay ginagamit ito sa pagbabalita. Maging sa mga patalastas ay ginagamit ang Wikang Filipino. Sa mga pagdinig sa Senado at sa Kongreso, Wikang Filipino ang ginagamit ng ating mga mambabatas. Mabibilang sa daliri ng kamay ang mga mambabatas na Englesero at mga apo ni Shakespeare.