Ni REY BANCOD
karate at taekwondo, nag-ambag sa team philippines.
KUALA LUMPUR – Napanatili ni Fil-Japanese Kiyomi Watanabe ang korona sa judo title, habang nagningning ang men’s poomsae squad para bigyan ng kasiyahan ang sambayanan sa kampanya ng Team Philippines nitong Sabado sa 29th Southeast Asian Games.
Naging regalo sa sarili ni Watanabe para sa kanyang ika-21 taong kaarawan nitong Biyernes ang pagapi si Orapin Senatham ng Thailand para makopo ang ikatlong sunod na gintong medalya sa Sea Games.
Sa kanilang rematch ni Orapin matapos maglaban sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas, walang inaksayang sandali ang Pinay para maisalya ang karibal may dalawang minuto at 36 segundo sa laban.
Agaw atensiyon naman ang men’s poomsae na binubuo nina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr. para makopo ang 8.40 puntos at gapiin ang Malaysia at Vietnam sa non-sparring event ng sports.
Si Dustin Jacob ay 22-anyos business economics graduate sa University of the Philippines-Diliman, si Raphael Enrico ay 21-anyos third year computer science student ng De La Salle University, habang si Reyes ay 22-anyos education student sa University of Santo Tomas.
Ipinakita ng Filipinos ang porma sa Taegeuk 8 at Sipjin para maungusan ang mga karibal.
Nagkasaya naman sa bronze medal ang women’s team na binubuo nina Jocelyn Ninobla, Juvenille Faye Crisostomo at Rinna Babanto.
Bunsod ng panalo, umakyat ang hakot ng Team Philippines sa 17 ginto, 24 silver at 42 bronze medals.
Nabigo ang pambato ng bansa sa tennis, lawn bowls at equestrian.
Sa women’s singles final, hindi nakaporma si Ana Clarice Patrimonio kay top seed Luksika Kumkhum ng Thailand, 0-6, 1-6.
Si Kumkhum, dating ranked 89th sa world, ay walang kahirap-hirap sa kanyang ratsada labans sa Pinay na umusad sa championship round ang hiyain ang liyamadong si fourth seed Andrea Ka, 7-6 (6-5), 7-6 (6-5), sa semifinals nitong Biyernes.
“Medyo ninerbyos po ako sa dami ng tao. Pero masaya na rin dahil naka silver,” sambit ni Patrimonio.
Tumapos ang Pinoy netters ng dalawang silver at dalawang bronze.
Nakopo ng Lawn bowls ang ikatlong silver sa pamamagitan nina Marcelito Pancho at Angelo Morales sa men’s pairs.
Sumingkit din ng silver medal ang equestrian sa show jumping team event. Kinabibilangan ang koponan nina Chiana Sophia, Joker Arroyo, Marie Antoinette Leviste at Collins Syquia.
Samantala, hindi nakasama sina Fil-Americans Trenten Anthony Beram at Eric Cray sa 4 x 400-meter relay team na nakatakdang sumabak sa National Stadium.
Nagtamo ng pinsala si Beram, double gold medalist sa 400-m at 200-meter, sa kanang hita, habang nanakit ang paa ni Cray.
Pinalitan sila nina decathlon winner Aries Toledo at Isidro del Prado Jr., anak ni track great Isidro Sr.