Ni LITO T. MAÑAGO
HINDI umubra ang panawagan ng netizens na i-extend ang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na brainchild ng Film Development Council of the Philippines Chairman (FDCP) na si Liza Diño- Seguerra.
Nag-create pa sila ng #ExtendPPP hashtag para iparating ang kanilang hinaing sa mga taong involved sa PPP film festival at ma-extend ito ng another week.
Nag-ugat ang hashtag sa huling araw ng festival nang dumagsa ang napakaraming tao sa mga sinehan para humabol sa last screening ng mga pelikulang kalahok.
Hindi man napagbigyan ang kahilingan, may ilang pelikula pa ring nananatili sa mga sinehan lalo na’t maganda ang ipinamalas nito sa box-office.
Ang tatlong pelikulang may extended theatrical run ay ang 100 Tula Para Kay Stella mula sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana at pinagbibidahan nina Bela Padilla at JC Santos; Patay Na Si Hesus ng T-Rex Entertainment mula sa direksyon ni Victor Villanueva, bida si Jaclyn Jose; at Bar Boys nina Roco Nacino, Kean Cipriano, Enzo Pineda at Carlo Aquino, mula sa direksiyon ni Kip Oebanda.
Sa huling araw ng PPP, nag-ikot sa ilang sinehan ang FDCP chair at nag-live pa sa kanyang Facebook page para ipakita ang mahabang pila sa Trinoma cinemas.
Nagpasalamat si Chair Liza sa mga taong tumangkilik sa kauna-unahang PPP at nagbigay din siya ng assurance na mapapanood pa rin ang karamihan sa entries sa CineLokal (another FDCP project) na assured ang pelikula ng one-week run sa walong SM cinemas.
Unexpected ang success ng unang PPP. Sa pagsasara ng isang linggong run nito, humamig ang 100 Tula Para Kay Stella ng record-breaking na P95M sa loob ng isang linggo.
Sa kabuuan, ayon na rin sa FB post ni Chair Liza, nagtala ang PPP ng mahigit P127M, lagpas sa inaasahan nilang P100M gross sales ng mga pelikulang kalahok sa pestibal.
Ang siyam na pelikulang mabibigyan ng pagkakataong maipalalabas sa CineLokal ay ang Birdshot ni Mikhail Red; Ang Manananggal Sa Unit 23B ni Prime Cruz at bida sina Ryza Cenon at Martin del Rosario; AWOL, starring Gerald Anderson mula sa direksiyon ni Enzo Williams; Hamog ni Ralston Jover; Paglipay ni Zig Dulay; Salvage ni Sherad Anthony Sanchez; Pauwi Na ni Paolo Villaluna; Triptiko ni Mico Michelena; at Star Na Si Van Damme ni Randolph Longjas.
Nangako ang head ng FDCP na babalik ang PPP sa susunod na taon at balak nang limitahan ang entries to 6 or 8 films para mas bongga ang resulta sa takilya.