Ni: Leonel M. Abasola at Merlina Hernando-Malipot
Nangangamba si Senador Bam Aquino na baka mapunta sa Philippine National Police (PNP) ang mga listahan ng mga estudyante na sasailalim sa random drug testing ng Department of Education (DepEd) at mauuwi sa pang-aabuso.
“The DepEd, as the lead agency in the random drug testing of students, must fulfil its promise to keep confidential its results. Hindi nila dapat hayaang mapunta ito sa kamay ng PNP upang hindi magamit laban sa ating mga kabataan,” diin ni Aquino.
Sa pagdinig sa panukaang budget ng DepEd, tiniyak ni Sec. Leonor Briones sa mga mambabatas na mananatiling confidential ang resulta ng random drug testing at hindi gagamitin sa paghahain ng kaso laban sa mga menor-de-edad na makikitang positibo sa ilegal na droga.
“Panghahawakan natin ang pangakong ito ng DepEd upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kabataan laban sa anumang pang-aabuso ng awtoridad,” anang Aquino.
Sa gitna ng mga kontrobersiya sa pagkamatay ng isang senior high school student sa anti-drugs operation ng pulisya, nakatakdang ipatupad ng DepEd ang random drug testing sa mga estudyante sa mga pribado at pampublikong – gayundin sa mga empleyado nito simula sa Setyembre.
Ang inisyal na budget ng DepEd para sa drug testing program ay P39-40 milyon. “The objective of the drug testing is to determine the prevalence of illegal drug use among students and teachers,” paliwanag ni Briones.
“We are on the preventive side, not on the enforcement side…the drug testing is preventive not punitive,” diin niya.
Muli ring nilinaw ni Briones na ang random drug testing sa mga estudyante sa high school ay hindi katulad ng “Oplan Tokhang” o kampanyan kontra suspek ng droga ng PNP. “This will not be tokhang-tokhang,” aniya.