Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

SA dami ng mga kapalpakang naglabasan sa Philippine News Agency (PNA), ang natatanging beteranong news agency ng pamahalaan, masasabing kabobohan ba ito ng mga namamahala o sinasadyang pakulo ng mga manggagawang gustong hiyain ang liderato nito sa kasalukuyang administrasyon?

Tanong ko ito sa aking sarili na binigyang kasagutan ng kaibigan kong imbestigador na nakatalaga sa Camp Crame.

Habang pinag-uusapan kasi namin ang mga kontrobersiya na kinakaharap ngayon ng Philippine National Police (PNP) ay biglang nasingit sa usapan ang mga tinatawag niyang “comedy of errors” sa bakuran ng PNA.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Aniya, sa pananaw ko bilang mamamahayag, huhusgahan ko raw agad na kabobohan at kapabayaan ang mga nangyari sa PNA.

Ngunit sa mata naman ng kagaya niyang imbestigador – batay sa mga ebidensiya sa paligid ng mga kapalpakan – masasabi niyang may bahid ng pananabotahe ang mga nangyayari.

Mabibigat ang katanungang ibinato niya sa akin hinggil sa mga naganap sa PNA na biglang nagbukas sa aking isipan sa maaaring tunay na kalagayan ngayon ng institusyong ito na matagal din naming iginagalang ng mga kasamahan ko sa pamamahayag!

“Senior” na ang PNA…Matagal na ito at hindi perpekto kahit noon pa man. Ngunit bakit nga ba tila ngayon lang naglalabasan ang mga “kapalpakan” nito? Hinala niya, waring may sadya na grupo na nagbabantay sa inaasahan nilang lalabas na kapalpakan sa PNA – at ipinapakalat nila ito sa social media na agad namang napapansin ng mainstream media at ginagamit itong istorya.

At ang tinatamaan palagi ng mga pag-atake ay ang pamunuan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na ayon sa kanila ay pinangungunahan ng mga ‘di kanais-nais na opisyal na gaya nina Secretary Martin Andanar at Undersecretary Mocha Uson, kasama pa rito ang ibang sikat na mga blogger.

Ngunit kung papansining mabuti, ang lahat ng pag-atake sa kapalpakan ng PNA ay naka-“bulls eye” lamang kay Sec. Martin at hindi sa mga staff ng PNA na karamihan ay mahigit 20 taon nang naglilingkod dito…bakit si Sec. Martin agad ang puntirya ng mga batikos?

At ito ang matindi sa mga tanong pa niya: “Mayroon bang ‘taga-loob’ na sadyang naninira sa kanya para siya ay mapalitan? Bakit sila kating-kati na maalis si Sec. Martin? At bakit tila wala ni isa sa mga taga-PNA na mga inaasahang dapat kumampi at magtanggol sa kanya ang lumulutang?

Ang nakaiintriga pa niyang pahabol – “May milagrong nagaganap sa loob ng PNA at hindi ito dapat na balewalain. Dapat itong masusing imbestigahan para malaman kung sino ang kapural ng mga paggalaw na ito na sumisira sa buong institusyon!”

Naalala ko tuloy ang daing ng isa kong ka-batch sa high school na humawak ng mataas na katungkulang tulad din nito noon: “Snake pit ang opisinang gaya nito Komrad Dave!”

Kuwento naman ni Undersecretary Joel M. Sy Egco -- mabait si Sec. Martin. May puso kahit na sinasalaula na siya, sa halip na pagsisibakin ang mga “utak” sa kapalpakan, hinayaan na lamang na... magsipag-file ng early retirement ang mga ito, kumpleto benepisyo – para raw sa kapakanan ng pamilya ng mga ito!

In fairness kay Sec. Martin – sinasaluduhan ko siya sa pagsusulong kaya naisabatas ang Freedom of Information (FOI) na “nabangko at napako” sa nagdaang mga administrasyon. Personal ko ring sinusubaybayan ang ginagawang pag-iimbestiga ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa mga kaso ng pagpatay, pananakot at panggigipit sa mga kabaro kong mamamahayag – dito, sigurado akong ’di sila “natutulog sa pansitan!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]