NI: Celo Lagmay
SA paglutang ng masasalimuot na detalye sa imbestigasyon ng Senado at ng Kamara hinggil sa mga alingasngas na gumigimbal sa Bureau of Customs (BoC), natitiyak ko na walang hindi naniniwala sa talamak na suhulan sa naturang ahensiya; matagal nang itinuturing na ito ay pinamumugaran ng mga tiwali at mangungulimbat ng salapi ng bayan.
Dahil dito, lalong naging kapani-paniwala ang pagsisiwalat ni Senador Panfilo Lacson ng mahabang listahan ng mga namantikaan, wika nga, ng sinasabing “tara” na isinusuhol ng mga negosyante. Ang ganitong nakapanggagalaiting sistema ay produkto ng malawak na pagsasabwatan ng mga opisyal at kawani ng BoC sa mapanlamang na mga importer na kasangkot din sa smuggling activities na ang ilan ay may kaakibat na mga illegal drugs.
Sa privilege speech ni Lacson, tila nilahat niya ang mga tauhan ng nabanggit na tanggapan na namantsahan ng “tara”.
At waring may kabuntot pa ang naturang pagbubunyag. Sa kabila nito, natitiyak ko na may mga huwaran at matapat din namang mga empleyado at pinuno na hindi yumayakap sa katiwaliang nais lipulin ng administrasyon.
Magugunita na hindi lamang sa BoC namumugad ang mga tiwali at mangungulimbat ng salapi ni Juan dela Cruz. Mismong si Pangulong Duterte ang naglantad ng mga tanggapan na talamak sa kurapsiyon, tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Immigration (BI) at iba pa. Natitiyak ko na nakaangkla ang kanyang mga pahayag sa katotohanan na ang naturang mga tiwali ay may maluhong pamumuhay; malalaki at magaganda ang bahay sa mga mamahaling subdibisyon; modelo ang mga sasakyan at sinasabing limpak-limpak ang mga deposito sa mga bangko. Totoo, kahit na ang ilang pangkaraniwang tauhan ng naturang mga tanggapan ay nagpapasasa sa nakapagdududang karangyaan.
Sa bahaging ito dapat paigtingin ng Pangulo ang lifestyle check hindi lamang sa mga pinaghihinalaang may nakaw at tagong kayamanan kundi maging sa iba pang tauhan ng gobyerno na sinasabing may dungis... ng katiwalian.
Naniniwala ako, sa kabilang dako, na ang marangyang pamumuhay ng maraming lingkod ng bayan ay bunga ng kanilang matapat na paghahanap-buhay. Marami rin sa kanila ang kabilang sa marangyang angkan na ang kayamanan ay lehitimo; karangyaang minana sa kanilang mga ninuno.
Magiging lalong kapani-paniwala ang mga pagbubunyag ni Lacson kung pangangalanan din niya ang mga tiwali sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno. Tiyak na magiging katuwang siya sa paglikha ng isang matapat at malinis na pamahalaan na ipinangangalandakan ng Duterte administration.