Ni: Johnny Dayang
MULA sa pagsusulat ng mga balitang sports at pamamahala ng mga world-class na boksingero, malayo na nga ang narating ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa mahusay na pangangasiwa, tunay siyang magaling na miyembro ng Gabinete.
Hindi man sinadya, nanaig ang maningning na sandali ni Manny Piñol nang mahinusay niyang hinarap ang nakakahindik na avian flu outbreak sa Pampanga at Nueva Ecija. Kinailangan niyang magpasya agad upang lipulin ang libu-libong manok, itik at pugo, at pansamantalang ipagbawal ang pagbebenta ng mga ito at itlog nila hanggang mapahupa ang naturang krisis. Gaya ng inaasahan, hindi popular na desisyon ito.
Naalarma ang buong bansa nang pumutok ang balita tungkol sa avian flu. At tama si Pinol sa mahirap ngunit kailangan niyang pasya na pansamantalang ipagbawal ang pagbiyahe ng mga produktong poultry sa Visayas at Mindanao mula Luzon, lalo na ‘yung mula sa one-kilometer radius ng ground zero na peste. Malawakang pagkalugi ng mga poultry raisers ang bunga ng desisyong ito ngunit kailangan.
Ang mga pagsisikap ni Piñol na ibalik ang sigla ng agrikultura ay hindi kaagad pinahalagahan ng marami dahil sa mga iskandalong nauugnay sa kanyang kagawaran. Kamakailan lamang, naging abala ang Kamara sa pag-iimbestiga ng mga isyu tungkol sa pagpupuslit ng bawang, asin, sibuyas at karne, kaya napilitan siyang iutos ang mas malalim na pagsisiyasat sa mga mekanismong ginagamit ng mga umaangkat nito.
Sa gitna ng mga pagdududa at taliwas na pananaw, nagdesisyon si Piñol na kanselahin ang 43 import permits at iniutos niya ang pagrepaso ng phytosanitary at sanitary permits nila upang matukoy at malansag ang mga import cartels na may kagagawan nito.
Sa gitna ng mga suliraning ito, patuloy na ginampanan ni Piñol ang pamamahagi ng mga kabuhayan... packages sa mga biktima ng kalmidad; mga gamit ng mga mangingisda; mga kagamitan at binhi sa mga magsasaka. Naglaan din siya ng panahon para sa mga pagbisita, konsultayson at pagtuturo ng mga bagong teknolohiya sa kanyang mga magsasaka.
Hindi madaling kapasiyahan ang ipalipol at ipagbawal ang pagbiyahe ng poultry at mga produkto nito sa bansa, kahit may peste pa, dahil tiyak na aani ito ng negatibong reaksiyon mula sa mga apektadong sektor. Hindi rin biro ang pagkalugi ng P179 milyon araw-araw para sa poultry industry at sa ekonomiya ng bansa. Ngunit ginawa ito ni Piñol para sa kabutihan ng lalong nakararami. Dahil dito, masasabi nating nasa mabuting mga kamay ang liderato ng ating industriya ng agrikultura.