Ni REGGEE BONOAN

PAGKATAPOS ng Q and A presscon ng Love You to the Stars and Back ay tila batang sinabi sa amin ni Direk Antoinette Jadaone, “Hmp, hindi ka naman nagtanong!”

Kasi inireserba namin ang mga itatanong sa kanya sa one-on-one interview namin, sagot namin na ikiniti ng isa sa box office directors ngayon.

JULIA, JOSHUA AT DIREK TONETTE copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang unang box office hit ni Direk Tonette ay ang indie film na That Thing Called Tadhana (2014) nina JM de Guzman at Angelica Panganiban at sumunod ang mainstream movie niyang pinagbidahan nina Coco Martin at Toni Gonzaga (You’re My Boss, 2015).

Ang pelikulang Love You to the Stars and Back ang unang script na sinulat ni Direk Tonette sa Star Cinema, “Bale first solo po, kasi ‘yun iba may co-writers ako,”say ng direktora.

Usap-usapan na kapag napupunta ang indie filmmaker sa mainstream ay hindi na nakokontrol ang materyales o sinulat na script dahil iniiba ng big outfits.

“Natutuwa naman po ako dito sa Love You to the Stars and Back kasi wala naman. Unang-una po, bago kami mag-shoot sinabi ko po talaga na buo ‘yung script ko bago ako mag-shoot. Ayoko pong mag-start ‘yung shooting na hindi pa po tapos ‘yung script, ‘yung final draft. Usually po kasi minsan hindi ka pa happy sa final script.

“Hindi po kasi ako ‘yung tipong genius director na ang magiging ending naididirek ko ng tama. Nababaliw kasi ako kapag hindi ko nakukuha ‘yung tama,” paliwanag ng lady director.

Tatlong buwan niyang sinulat ang script ng pelikula nina Joshua Garcia at Julia Barretto, kaya sinabi naming, ‘Galing mo, kasi si Sigrid Andrea Bernardo taon ang binibilang bago makatapos.’

“Ito po kasi kailangan kong bilisan kasi may deadline kami, pero otherwise, matagal po akong makagawa ng wala namang playdate like eight months,” katwiran ng direktora.

Pagkalipas ng isang taon at kalahati ay ngayon lang ulit gumawa ng pelikula si Direk Tonette dahil naging abala siya sa soap dramang Till I Met You nina James Reid at Nadine Lustre (nagsimulang Agosto 2016 at natapos ng Enero 2017).

Ano ang gist ng Love You to the Stars and Back (na biniro naming ang hirap banggitin dahil mahaba).

“Oo nga po, management po ang pumili, pasok naman po ang title sa script ko kasi tungkol sa road trip. ’Yung konsepto po, two to three years ago, sinulat ko siya for Direk Paul Soriano, kasi that time, sobrang na-obsess ako sa sci-fi na kuwento pero low-budget na tungkol sa kakaibang mundo. Nakalimutan ko na nga ‘tapos nu’ng ‘binigay na nila (Star Cinema) sa akin ang Joshua-Julia, nag-isip ako ng konsepto ‘tapos naalala ko ‘yun – na isang babaeng naniniwala sa alien, isang lalaking sumabay sa kanya.

“’Tapos nagpaalam ako kay Direk Paul kung puwede ko siyang gamitin, siyempre ‘pag ginawa ko, hindi ko na magagawa for him, pumayag naman siya,” pagtatapat ni Direk Tonette.

Na-excite siya nang binanggit ng Star Cinema bosses na tambalang Julia at Josh ang igagawa niya ng pelikula.

Nagustuhan kasi niya ang Vince Kath and James.

“Kinikilig ako sa kanila. Naisip ko, ‘Sino ba ‘to? Bagay sila as a team.’ Kaya nu’ng nakatrabaho ko sila, na-realize ko kung bakit click sila. Pareho silang sincere umarte, sincere sa mga tao. Feeling ko mama-magnetize ka kapag sincere ang isang tao. Kaya happy lang yung set namin,” pag-amin ni Direk Tonette.

Sa Q and A, ibinuking ni Direk Tonette na ramdam niyang gusto nina Joshua at Julia ang isa’t isa.

“’Pag romantic ang eksena, mas madali lang lumalabas kasi hindi nila kailangan magpanggap na gusto nila ang isa’t isa. Kasi in reality, halata naman na gusto nila ang isa’t isa,” nakangiting pambubuko niya.

Nabuking din na ang term of endearment ng JoshLia ay ‘Baba.’

“Tawagan nila ‘Baba. Nakakairita na nga, eh. Ha-ha-ha! Inggitera?” tumatawang sabi ni Direk Tonette.

At ang takbo raw ng usapan ng dalawa, “Parang, ‘Stop it, Baba. Don’t start, Baba.’ Kinikilig po sa start, pero ‘pag palubog na ‘yung araw, kailangan na nating tapusin ‘yung eksena. (Sabi ko), ‘Tumigil na kayong dalawa sa kaka-Baba n’yo, ha? Kasi meron tayong eksena, eh.’ As a director nakakatuwa na meron silang chemistry off screen na madali na lang i-capture onscreen.”

(Editor’s note: Ako ang magpapaliwanag kung ano ang kahulugan ng ‘baba’. Hintayin n’yo po.)

Nag-aaway ba ang magka-love team?

“Hindi naman, away-bata ganu’n. Masayahin sila, si Joshua.”

Mapapanood ang Love You to the Stars and Back sa Agosto 30 nationwide mula sa Star Cinema.