Ni Rey Bancod

KUALA LUMPUR – Hilahod na para makaabot sa top 3 ng overall standings ang Team Philippines. Ngunit, sa huling sigwa ng laban, nakapagtala ng kasaysayan ang Pinoy sa 29th Southeast Asian Games dito.

Ginapi ng Team Philippines -- binubuo nang ilang expat at foreign-breed players -- ang Thailand, 5-4, para tanghaling kauna-unahang kampeon sa ice hockey sa biennial meet sa Empire City Mall sa Damansara Perdana.

Nilaro sa unang pagkakataaon ang ice hockey at cricket bilang regular sports sa biennial meet.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Tumapos ang Philippines na may kabuuang 11 puntos, habang ang Thailand ay nakatipon ng siyam na puntos. Nasungkit ng host Malaysia, tinalo ng Philippines via shootout, 2-1, nitong Huwebes, ang bronze.

Naunang ginapi ng Philippines ang Indonesia, 12-0, at Singapore, 7-2, at napalaban ng husto sa Malaysia kung saan natapos ang regulation sa 7-7 all.

Kabilang ang tagumpay ni Anthony Beram sa men’s 400-meter run para tanghaling unang Pinoy na naka double gold sa torneo, gayundin ang panalo nina middleweight Eumir Felix Marcial at light-heavyweight John Marvin Huwebes ng gabi, nakasungkit ang Philippines ng 15 ginto, 18 silver at 32 bronze medal para manatiling nasa ikaanim na puwesto sa overall standings.

Namayagpag ng tuluyan ang host Malaysia sa malalaking panalo sa badminton, equestrian, lawn bowls, sepak takraw, karate, sailing at swimming para sa kabuuang 63-45-36 medal harvest, kasunod ang Singapore (33-30-34), Vietnam (33-23-30), Thailand (25-42-45), at Indonesia (18-23-40).

Naisumite ni Beram ang tyempong 46.39 para gapiin sina P. Sunthonthuam ng Thailand (46.46) at Quach Cong Lich ng ietnam (46.48). Nauna niyang nadomina ang 200m nitong Miyerkules.

Ginapi naman ni Marcial si Pathomsak Kuttiya ng Thailand via unanimous decision sa middleweight class, habang naitala ni Fil-Brit John Marvin ang pinakamabilis na panalo via referee-stopped-contest sa loob ng 21 segundo kontra Adli Hafidz B. Mohd Pauzi ng Malaysia sa light heavyweight.

Nakopo naman nina Curte Robert Guardin, Emmanuel Portacio, Leoncio Carreno Jr., at Ronald Lising ang gintong medalya sa lawn bowls men’s four.

Kinapos naman ang women’s team nina Marisa Baronda, Nancy Toyco, Nenita Tabiano, at Sharon Hauters para sa silver medal.