KABILANG sa mga probisyon ng RA 9369, ang Election Automation Law of 2006, ay ang pag-oobliga sa pagkakaroon ng Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) na magsagawa ng mandatory review sa pagpapatupad ng Automatic Election System (AES) 12 buwan makalipas ang huling halalan. Isusumite ng oversight committee ang ulat at mga rekomendasyon nito sa Senado at sa Kamara de Representantes.
Labinlimang buwan na ang nakalipas simula noong maghalal tayo ng bagong pangulo noong Mayo 2016, ngunit hindi pa nagpupulong ang Joint Oversight Committee, sinabi ni Sen. Nancy Binay noong nakaraang linggo. Ang panahong nasa gitna ng kontrobersiya si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista matapos siyang akusahan ng sariling asawa ng pagkakamal ng P1 bilyon halaga ng umano’y hindi naideklarang yaman. Nanamlay na ang usapin dahil na rin sa maagap na pagtanggi ni Chairman Bautista sa mga alegasyon, ngunit nariyan pa rin ang alalahanin sa posibleng kaugnayan nito sa lagi nang paratang ng anomalyaz sa eleksiyon.
Nanawagan si Senator Binay na magpulong na ang JCOC, alinsunod sa RA 9369, at suriin ang trabaho ng automation technologies na ginamit noong 2016, partikular ang 93,000 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na ipinahiram ng Smartmatic sa Comelec.
Sa kasagsagan ng pagpapadala ng resulta ng botohan noong 2016, ayon kay Binay, matatandaang walang permisong binago ng Smartmatic at ng ilang opisyal ng Comelec ang script sa Transparency Server, para umano iwasto ang spelling ng pangalan ng isang kandidato. Iginiit naman ng noon ay kandidato sa pagka-bise presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagkatapos ng nasabing pagwawasto ay nagsimula nang manamlay ang pasok ng mga boto para sa kanya.
Naghain na siya ng protesta laban kay Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal.
Sa kanyang apela para magpulong ang JCOC, sinabi ni Senator Binay na dapat na isama sa tatalakayin ang nabanggit na insidente. Nanawagan din siya sa Comelec na suspendihin ang Smartmatic sa pakikipagtrabaho sa gobyerno sa susunod na halalan sa 2018.
Kailangang magpulong ng JOCO, dahil ito ang itinatakda ng RA 9369. Sakaling magtipun-tipon na nga at himayin ang mga problemang kinasasangkutan ng Comelec at Smartmatic, dapat na nitong asahan ang matinding tungkuling kanilang haharapin. Sadyang walang paraan upang maprotektahan ang proseso ng automated election mula sa mga eksperto sa computer. At wala ring paraan upang mapatunayan ang dayaan sa isang automated election — maliban na lamang kung magsasagawa ng malawakan at manu-manong bilangan.
Ito ang dahilan kaya maraming bansa sa Europa, sa pangunguna ng Germany, ang bumalik na sa manu-manong botohan sa paghahalal ng kanilang mga opisyal at pagbibilang ng mga boto makaraang magdesisyon ang Federal Constitutional Court ng Germany na labag sa batas ang automated elections.
Kapag tuluyan nang binusisi ang idinaos na eleksiyon sa Pilipinas noong 2016, dapat na tutukan ng JOCO ang pangunahing ideya ng automated na pagboto at pagpapadala ng resulta at ang pagkakalantad nito sa posibilidad ng hacking na siyempre pa ay makaaapekto sa resulta ng eleksiyon.